RSS

People’s Action Weekly News (01/20/2014)

29 Jan
PAC Enero 20 2014

Isinagawang medical-dental mission sa Cagayan Provincial Jail

Minsan kada tatlong buwan ang isinasagawang medical-dental mission ng Provincial Health Office (PHO) sa mga inmate at jail guard na nasa mga provincial jail sa lungsod ng Tuguegarao, Aparri at Sanchez Mira.

Ang regular na pagsusuri para sa taong 2014 ay inumpisahan sa bayan ng Aparri noong Enero 15, 2014 sa pangunguna ni Dr. Arlene Cheng, Municipal Health Officer ng Aparri, at mga dentista ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na sina Dr. Alexander Arellano, Provincial Dental Health Coordinator, at  Dr. Cesar Fantolgo. Noong Enero 16, 2014 naman ginanap ang medical-dental mission sa bayan ng Sanchez Mira, sa pangunguna ni Dr. Zenaida Tolentino, Municipal Health Officer ng Sanchez Mira at Dr.  Alexander Arellano. Noong Enero 17, 2014 naman gumawa ng pagsusuri sa Cagayan Provincial Jail sa lungsod ng Tuguegarao sa pangunguna nina Dr. Carlos Cortina, Assistant Provincial Health Officer, Dr. Arellano at Dr. Fantolgo.

Ayon kay Evelyn Calubaquib, Nurse IV ng PHO, karamihan sa mga karamdaman na kanilang nasuri ay ang Upper Respiratory Tract Infection (URTI) o matinding pag-ubo, at hypertension o mataas na presyon. Walang inmate na hindi nabigyan ng kaukulang atensyon. Lahat ng natuklasang may mataas na presyon ay binigyan ng gamot na iinumin sa loob ng tatlong buwan para umabot sa susunod na medical-dental mission ng mga doktor.

Ang sumusunod ang nakalap na datos sa mga ginawang medical-dental mission sa mga provincial jail sa mga bayan ng Aparri, Sanchez Mira at sa lungsod ng Tuguegarao.

table

Library

Bubuksan nang muli ang Provincial Library o aklatan ng prubinsya sa unang bahagi ng 2014 upang pagsilbihan ang Cagayano. Sa panayam kay Gng. Petra Talosig Binarao, tagapamahala ng Provincial Library, inaayos na ang mga detalye sa muling pagbubukas ng aklatan.

Pansamantalang natigil ang operasyon ng aklatan upang ayusin at pagandahin ang istruktura at pasilidad nito. Bahagi ito ng layunin na pagtibayin at iangat ang antas ng serbisyo sa larangan ng edukasyon sa ilalim ng administrasyon ni Gob. Alvaro “Bong” T. Antonio at Bise-Gob. Leonides “Odi” N. Fausto. P4,509,748.00 ang halagang ginugol para maipatayo ang mas modernong gusali at pasilidad kasama ng pagbili ng mga bagong aklat at kagamitan.

Ayon pa kay Gng. Binarao, tungkulin ng naturang aklatan ang pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mag-aaral at mananaliksik sa lahat ng antas ng edukasyon. Layunin din nito na ingatan at pangunahan ang pagtatangkilik sa mga bagay na sumasailalim sa kultura, pamumuhay at kaugalian ng mga Cagayano.

Dagdag pa ng butihing tagapamahala na balak nilang magtayo ng “E-Library” at gawing Provincial Research Center  ang aklatan. Sa pangatlong palapag ilalagay ang E-libray na lalagyan ng 15-30 computer unit. Ang pinakataas na palapag naman ay gagawing lugar para sa pagdaraos ng mga iba pang programa o okasyon.

VODA

Pagharap ni Sany Grace Bayangan sa konseho ng Tuguegarao

Nagdaos ng Special Session ang Sangguniang Panlungsod.

Ang Sangguniang Panlungsod ay binubuo ni Bise-Mayor Engelbert C. Caronan kasama ang siyam na konsehal na sina Kon. Noel A. Mora, Kon. Loreto B. Valdepeñas, Kon. Rosauro G. Resuello, Kon. Aurora A. Ave, Kon. Ronald S. Ortiz, Kon. Hilario Larry S. Ting, Kon. Maila Rosario Ting-Que, Kon. Anthony C. Tuddao at Kon. Kendrick Calubaquib.

Noong ika-16 ng Enero, 2014, tinalakay sa nasabing special session ang mga isyu patungkol sa paghahain ng One-Way Terminal na higit na kilala bilang “Makaulaw” Terminal para makakuha ng “authority to operate.”

Bago pa man ang special session, nagpaabot na ng liham ang mga Van Operators and Drivers Association (VODA) na humihiling ng pagkakataon upang marinig ang kanilang panig tungkol sa aplikasyon na inihain ng Makaulaw Terminal.

Pinagbigyan ng Sangguniang Panlungsod ang kahilingan ng mga VODA. Ikinatawan ni  Sany Grace Bayangan ang  Cagayan, Isabela and Cordillera Van Express Federation (CAISACO VEF) bilang tagapagsalita ng grupo.

Inilahad ni Bayangan bilang resource speaker ang karanasan ng mga VODA sa ilang kawani ng Pamahalaang Panlungsod at mga ilang tagapamahala ng Makaulaw Terminal.

Kanya ring mariing pinabulaanan ang akusasyon ni Kon. Calubaquib na tila nababahiran ng pulitika ang pagtindig ng mga VODA sa kinakaharap nilang isyu. Sagot ni Bayangan: “Ito po ang pinakamasakit sa parte ng mga VODA. During the time we felt aggrieved at desperado na kami talaga, for two weeks nag-round po kami, pumunta po kami kung kani-kanino… Talagang si Mayor ang gusto naming kausapin pero hindi po namin iyon nagawa. In the end, naisip namin na kung hindi kami papakinggan ng City Hall, meron pang mas mataas dito: meron ‘yung Province, meron ‘yung Congress, merong Senate, meron pa ‘yung Malacañang.”

Iginiit naman ni Kon. Resuello na hindi maaaring magparking ang mga VODA sa kanilang mga dating terminal. Ani Resuello: “The fact remains that the terminal that you occupied, hindi po talaga pumasa… nag-violate sa ordinansa  na hindi kami ang gumawa… 2006 ordinance.

Nagmistulang korte naman ang Session Hall sa mga tanong ni Kon. Mora sa makailang beses nitong pagtawag kay Bayangan bilang Madam Witness. Sa simula pa lamang ng session ay napag-initan na ni Kon. Mora ang kredibilidad at integridad ni Bayangan sa pagpunta at pagsasalita nito sa harap ng konseho.

Nilinaw naman ni Bise-Mayor Caronan na ang may kapangyarihan lamang na magbigay ng awtoridad sa isang terminal upang mag-operate ay ang Sangguniang Panlungsod. Ayon pa kay Bise-Mayor Caronan, ang Mayor’s Permit ay pag-regulate lamang sa mga ordinaryong negosyo. Sa kanyang pananaw, hindi kailangang madaliin ang pagpapasya kung mabibigyan o hindi ang kahilingan ng Makaulaw Terminal. Kailangang pag-aralan at tingnan kung may kakayahan at integridad sa pagpapatakbo ng terminal ang naturang aplikante. Nilinaw din ng Bise-Mayor na  pag-aaralan ng  Sangguniang Panlungsod ang kinasasangkutang kaso ng pandarahas at panggigipit ng Makaulaw Terminal. Maaring may implikasyon ito sa kanilang deliberasyon kung papaboran o hindi ang nabanggit na aplikasyon.

Sa pakikipanayam naman kay Bayangan, nabanggit nito na ang pagdulog nila sa Sangguniang Panlungsod ay walang bahid ng pulitika. Ito ay lehitimong isyu ng mga operator at drayber hinggil sa kanilang hanapbuhay. Mahalaga sa kanila na mabigyan ng pansin ng kinauukulan ang kanilang karaingan na nakakaapekto sa pang-araw araw nilang kabuhayan.Umaasa rin ang grupo ni Bayangan na magdedesisyon ang mga miyembro ng konseho batay sa kanilang konsensiya at ayon sa interes ng transport sektor at ng mga mananakay. Habol pa nito na sana ay mapagtanto ng tatlong miyembro ng konseho sa katauhan nina Kon. Calubaquib, Kon. Mora at Kon. Resuello na sila man ay hindi residente ng Lungsod ng Tuguegarao, may ambag pa rin sila sa natatamong pag-unlad ng lungsod.

Timek

HON. JAMUEL OANDASAN ROSARIO PRESIDENTE,
LIGA NG MGA BARANGAY CAMALANIUGAN, CAGAYAN

Noong Disyembre 9, 2013, naihalal bilang Presidente ng Liga ng mga Barangay sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan si Punong Barangay Jamuel Oandasan Rosario ng Bgy. Ziminila ng nabanggit na bayan. Si ABC Pres. Rosario ay naging barangay kagawad noong taong 2010 hanggang 2013.

Batay sa kanyang karanasan sa pamumuno, naging aral kay ABC Pres. Rosario ang pagkakaroon ng mga plano, polisiya at malikhaing programa upang lubos na mapagsilbihan ang kanyang nasasakupan. Bilang bagong pangulo naman ng mga barangay, plano niyang pagtibayin ang patas na trato sa mga kapwa kapitan. Nais din niyang panatilihin ang integridad at tapat na pamumuno sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga accountabilities ng mga nagdaang opisyal sa mga bagong halal. Nais din niyang magkaroon ng seminar para sa mga bagong halal na opisyal upang lalo pa nilang mapalawak ang kanilang kaalaman tungkol sa paggogobyerno at paggampan sa kanilang mga responsibilidad at katungkulan.

Layunin din ni ABC Pres. Rosario na magkaroon siya ng bukas na pakikipanayam sa lahat lalo na sa mga kapwa punong barangay. Makikipag-ugnayan din siya sa mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa ikabubuti ng bayan ng Camalaniugan.

Tigdas

Ang tigdas ay sakit na dulot ng virus o mikrobyo. Sapagkat ito ay nakakahawa, maaari itong maging epidemya na nakamamamatay lalo na sa mga batang kulang sa nutrisyon.

Maaaring mahawa sa tigdas mula sa pakikisalamuha sa taong taglay na ang karamdaman. Naililipat ang mikrobyo sa pagbahing, pagdura at pag-ubo ng taong may tigdas. Madaling makuha ang sakit na ito sa mga mataong lugar tulad ng mga eskuwelahan, health center, palengke at iba pa.

Ang sintomas ng tigdas ay lumilitaw sa ika-sampu hanggang ika-labindalawang araw mula sa kontak sa taong may tigdas.

Makakaranas ang may sakit ng pagsipon, pag-ubo, pamumula at pagluluha ng mata at pagkakaroon ng mga puting butlig (spots) sa loob ng bibig. Makalipas ang ilang araw, magkakaroon ng slightly-raised rashes sa mukha at leeg na susundan ng pagkalat ng rashes sa katawan, kamay at paa. Tatlo hanggang lima o anim na araw ang rashes hanggang sa mawala.

Matinding pagtatae, impeksyon sa tenga, komplikasyon sa baga at pulmonya ang mga komplikasyon na maaring ikamatay mula sa tigdas.

Ang mga batang lima pababa at mga sanggol na hindi pa nabibigyan ng bakuna ang may pinakamalaking tyansa na magkaroon ng tigdas.Kung kaya’t pinapanawagan sa lahat na dalhin sa pinakamalapit na Health Center ang mga sanggol edad siyam na buwan hanggang isang taong gulang upang mabakunahan ng unang dose laban sa tigdas. Pagdating ng ika-labindalawa hanggang ika-labinlimang buwan, babakunahan ulit ng pangalawang dose ang sanggol.

Pagdating ng siyam hanggang labinlimang buwan, ang bata ay dapat makatanggap muli ng dalawang dose ng bakuna laban sa tigdas (measles containing vaccine).

Paglilinaw

Sa nakaraang issue ng People’s Action noong Enero 13, 2014, naisulat na ang Animal Bite Center ng Provincial Capitol ay nagbibigay ng libreng ineksyon ng anti-rabies sa Day 0 ng pagkakakagat. Kung ang biktima ay benepisaryo ng Philhealth, ang Day 3 at Day 10 lamang ang bababayaran.

Nais naming linawin na ang Animal Bite Treatment Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay nagbibigay ng libreng anti-rabies injection sa mga miyembro ng Philhealth. Sa mga hindi miyembro ng Philhealth na taga-Cagayan, ang ineksyon para sa Day 0 lamang ang libre. Ang Day 3 at Day 7 ay dapat bayaran ng may-ari ng hayop na kumagat sa pasyente ayon sa RA 9482.

 
Leave a comment

Posted by on January 29, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: