RSS

People’s Action News (03/10/2014)

17 Mar
PAC Pebrero 3 2014

Pagbakuna ng anti-rabies

Umikot sa iba’t ibang bayan sa Cagayan at nagbigay ng libreng bakuna ang Provincial Veterinary Office (PVO) upang siguraduhing mabawasan ang kaso ng rabies at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan sa lalawigan alinsunod sa hangarin at mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Unang binisita ng grupo ang bayan ng Sta. Ana noong ika-apat at ika-lima ng Marso ng taong kasalukuyan at sumunod ang mga bayan ng Gonzaga at Sta. Teresita bilang tugon sa paggunita ng Rabies Awareness Month na ipinagdiriwang ngayong buong buwan ng Marso.

Ayon kay Dr. Wilfredo Iquin, isa sa mga beterinaryo ng PVO, isinasagawa ang nasabing pagbabakuna sa mga aso sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay ng kanilang grupo upang mapaigting ang anti-rabies campaign para mapigilan at mapuksa ang mga asong may rabies sa prubinsya.

Hindi lamang pagbibigay ng libreng bakuna ang  pokus ng aktibidad kundi nagsagawa rin ng Information Education and Communication (IEC) campaign ang mga kawani ng PVO sa mga paaralang pang-elementarya na may layong mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa rabies sa kadahilanang karamihan sa kanila ang nakakagat ng aso.

Samantala, bibisitahin ng grupo ang bayan ng Ballesteros, Camalaniugan at Alcala sa ika-labing walo hanggang ika-dalawampu’t anim ng Marso upang maging puspusan ang pagbibigay ng libreng pagbabakuna sa mga aso at mapalawig ang kampanya kontra rabies.

PIO GANAP NANG MIYEMBRO NG ARTA TECHNICAL WORKING GROUP

Ganap nang naging miyembro ng Anti-Red Tape (ARTA) Technical Working Group ang Provincial Information Office (PIO) pagkatapos itong kumpirmahin ni Edna T. Junio, Provincial Administrator, sa isang pagpupulong ng mga miyembro nito na ginanap sa kanyang tanggapan kamakailan.

Ang ARTA o Republic Act 9485 ay isang batas na naglalayon na mapahusay o maging epektibo ang serbisyo ng gobyerno sa publiko sa pamamagitan ng pagbabawas ng “bureaucratic red tape” at maiwasan ang “graft and corruption.”

Ayon kay Junio, mahalaga ang gagampanang papel ng PIO sa paghahatid ng makabuluhang impormasyon hinggil sa 10K agenda na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan. Dahil dito, kasama ang nasabing opisina sa pagbuo ng Cagayano’s Charter sa pamamagitan ng pagtatalaga ng multi-media equipment system sa Kapitolyo upang maihatid sa mamamayan ang mga nasabing impormasyon.

Ang Cagayano’s Charter ay isang  gabay ng mga Cagayano at ng Pamahalaang Panlalawigan kung saan nakasaad dito ang mga mahalagang impormasyon at alituntunin ng bawat Cagayano upang makamit ang tapat at epektibong serbisyo para sa taumbayan.

Naging Hall of Famer ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang Best Anti-Red Tape Act Implementer sa Region 2 sa ilalim ng administrasyon ni Gobernador Alvaro T. Antonio. Ang ARTA ay nauna nang isinulong ng Civil Service Commission (CSC) at Department of Interior and Local Government (DILG).

AYUDANG PINANSYAL, TULOY-TULOY SA BARANGAY

Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay patuloy na namamahagi ng tulong pinansyal sa mga barangay. Ito ay hindi lamang pagpapatupad sa pangako kundi pagtitiyak ng tapat at walang pagmamaliw na paglilingkod ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga Cagayano. Ito rin ay tanda ng tiwala ng Pamahalaang Panlalawigan sa angking kakayahan at galing ng mga opisyal ng barangay at ng mismong mga Cagayano sa pagpapatupad ng malinis at tapat na paggogobyerno.

Ang pagbibigay ng ayuda ay nagsimula noong Pebrero 24, 2014 hanggang sa kasalukuyan. Ang mga barangay na nabigyan ay kabilang sa mga bayan ng Alcala, Ballesteros, Buguey, Camalaniugan, Enrile, Peñablanca, Piat, Sanchez Mira, Sto. Niño at siyudad ng Tuguegarao.

Ayon kay Punong Barangay Jerry Quilang ng Linao West, Tuguegarao City, laking pasasalamat ng kanyang barangay sa tulong na ito dahil maisasakatuparan na ang ilang proyektong nakabinbin. Dagdag pa niya na matatapos na rin ang proyekto dahil sa tulong pinansyal na pinaabot ng Gobernador. Nagpaabot din ng pasasalamat at paghanga sina Punong Barangay Avelino Sibbaluca ng Capatan, Punong Barangay Mario Robles ng Centro Dos at Punong Barangay Apolonio Abraham ng Larion Alto ng siyudad ng Tuguegarao.

Nabigyan din ng oryentasyon ang mga dumalo hinggil sa Gobyerno ti Umili (GTU) bilang paalala sa mga opisyal ng barangay at ng mismong mga mamamayan sa kanilang responsibilidad na magtulung-tulong sa makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng kanilang kooperasyon at pakikipagsalubungan sa gobyerno tungo sa maunlad na barangay.

Samantala, inihayag naman ni Tin Antonio, empleyado ng People’s Action Center (PAC), na patuloy ang pagbibigay ng mga proyekto sa mga barangay sa lalawigan dahil nais ipadama ni Gob. Antonio ang kahalagahan ng mga barangay sa pag-unlad ng isang bayan at ng buong prubinsya.

Sa oryentasyon ng GTU, nagsagawa ang PAC ng isang inobasyon upang lalong maipaliwanag sa mga mamamayan ang tunay na layunin at kahulugan ng adbokasiya ng GTU. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng PAC ng mga iba’t ibang larawang sumisimbolo sa mga magagandang gawain sa paggogobyerno at pakikiisa ng mamamayan tungo sa pag-unlad, naipapaliwanag ang tunay na kahulugan ng GTU sa praktikal na paraan at sa totoong karanasan at nangyayari sa buhay ng mga Cagayano. Ito rin ay sumisimbolo sa importansya ng bawat residente sa pag-unlad sapagkat sila mismo ang nagbibigay ng kanilang interpretasyon sa mga larawang nakasaad na kanilang magiging parte sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa tungo sa pag-unlad ng prubinsya ng Cagayan.

Ang mga sumusunod na barangay ang nagawaran ng ayudang pinansyal para sa mga proyekto at programa na kailangan ng mga residente:

table


PROJECT BONG (Blood Of the New Generation)

Noong ika – 5 ng Marso 2014, ginanap ang bloodletting activity sa Paseo Reale Mall, Tuguegarao City. Ito ay taunang aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO)  at sa pakikipagtulungan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC)-Blood Bank.

Sa nasabing aktibidad, hinikayat ang mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan at ang Cagayano upang boluntaryong magbigay o magdonate ng kanilang dugo.

Ayon kay Raul Addun, Coordinator ng Project BONG, unti – unti nang namumulat ang kaalaman at kamalayan ng mga estudyante at iba pang indibidwal kaugnay sa kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo sa pagsalba ng buhay.

Ipinahayag ni John Paul Balbuena, mag-aaral ng Cagayan State University (CSU), na isang karangalan para sa kanya ang maging isang blood donor dahil sa hangaring makatulong sa nangangailangan at sumagip ng buhay ng iba. Ayon naman kay Jayvin Gumabay, isa ring mag-aaral, ito ang kanyang unang pagkakataong makuhanan ng dugo at may kaba siyang nararamdaman ngunit nahikayat siyang makiisa sa programa dahil nakita niya ang benepisyo at importansya ng pagiging isang blood donor. Dagdag pa niya na hindi lamang ito makakatulong sa iba kundi maging sa kanyang sarili.

Sa kabuuan, 199 ang nagpatala upang makuhanan ng dugo. Ngunit sa resulta ng screening 103 ang pumasa bilang blood donors.

Ang proyektong ito ay inilunsad ni Gob. Alvaro T. Antonio upang makatulong sa mga Cagayano kung sakaling sila ay mangailangan ng dugo.

Nanguna ang mga mag-aaral mula sa Cagayan State University, St. Paul University Philippines, University of Saint Louis Tuguegarao, University of Cagayan Valley at Florencio L. Vargas College na boluntaryong naging blood donors. Ilang empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan, City of Tuguegarao at Bureau of Fire Protection din ang nagbigay ng dugo.

TIMEK TI BARANGAY
PUNONG BARANGAY: RUBEN UNIDA TACTAC
BGY. MALA WESTE, BUGUEY, CAGAYAN

Kas daydi amana a nagserbi iti bente-tres anyos  kas kapitan iti barangay  agingga idi 1988, nasirmataan na nu kasano iti rikot ken ragsak ti agserbi iti  naimpapusuan kasta met iti panagserbi iti barangay daytoy anak na, nagleppas kas-kagawad idi 2007, ket itan addan iti maikatlo a termino ni Punong Barangay Ruben Tactac. Adun a kapadasan na iti serbisyo daytoy a kapitan a nangpatikber kanyana iti dangadang iti pulitika.

Ti umuna a karit kanyana iti umuna a termino ket isu ti pannakapatanur daguiti proyekto a kasapulan unay ti barangay. Inyuna ngarud nga inaramidan ti resolution iti pannakarupa ti Bgy. Mala Weste ti Multi-Purpose building. Ti pundasyon daytoy a proyekto ket naggayen iti financial assistance nga ibur-buray ti Provincial Government babaen kenni Gobernador Bong Antonio. Daytoy dua a kadsaaran a multi-purpose building ket main-inutan a malpasen babaen iti tulong ti prubinsya ken ti bassit a pundo iti barangay, nagbalin a Day Care Center iti umuna a tukad ken pakaang-angayan iti seminar ken miting iti barangay.

Naaddaan met iti streetlights a mangpalawag iti aglawlaw, solar dyer a nakapaitakderan met iti basketball court a pagay-ayaman daguiti tinedyer a minalem ken daguiti agkabannuag a dumayo  gapu iti kabangibang a barangay. Naikkan pay iti Livelihood Assistance a “Mala Crab Fat” a nabenipisyaran iti 15 a miyembro gapu ta iti barangay ket naparaburan met iti nalawa a pagsapulan kas iti karayan ken piskarya.

Pagyamanan unay ni kapitan daguiti proyekto ken suporta iti gobernador iti Cagayan, ta iti panagdur-as iti barangay ket haan a maisayangkat a mamaysa nu awan ti bayabay ken tulong a pangrugian da.

 
Leave a comment

Posted by on March 17, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: