RSS

People’s Action News (03/17/2014)

26 Mar
PAC March 17,  2014

Paghahayag ni P/Supt. Jessie B. Tamayao

Ginanap noong ika-10 ng Marso, 2014 ang unang Quarter Meeting ng Cagayan Provincial Peace and Order Council (PPOC) sa Kammaranan Hall, Capitol Hills, Tuguegarao City.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Atty. Joseph P. Pauig bilang kinatawan ni Gobernador Alvaro T. Antonio na siyang PPOC Chairman at PPOC Secretariat Provincial Director Corazon D. Toribio ng Department of Interior and Local Government (DILG). Kabilang din sa mga dumalo ay ang iba’t ibang ahensya tulad ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Information Agency (PIA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Education (DepEd), Office of the Civil Defense (OCD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), National Council for Indigenous People (NCIP), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Provincial Planning and Development Office (PPDO), Office of the Provincial Agriculturist (OPA), Provincial Health Office (PHO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Process Luzon at mga Non-Government Organizations (NGO).

Inilatag ang mga natapos na programa at serbisyong pangkapayapaan ng ilang ahensya tulad ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) patungkol sa estado ng kapayapaan at kaayusan sa prubinsya ng Cagayan sa unang dalawang buwan ng taong kasalukuyan. Ang mga datos na ito ay magsisilbing gabay ng PPOC sa pagpaplano ng nararapat na aksyon at interbensyon sa pagpapaigting ng kapayapaan at kaayusan sa Cagayan.

Sa ulat ni P/Supt. Jessie B. Tamayao na kinatawan ni P/SSupt. Gregorio N. Lim pinuno ng Cagayan PNP, tumaas ang bilang ng krimen sa buong lalawigan mula Enero hanggang Pebrero, 2014. “May naitalang 875 index crimes sa buong lalawigan sa unang dalawang buwan ng taong ito. Noong nakaraang unang dalawang buwan ng 2013, ang naitala lamang ay 651,” sabi ni P/Supt. Tamayao.

Dagdag pa niya na ang non-index crimes ay naitala sa 465 sa unang dalawang buwan ng taong ito at 341 naman noong 2013.

Ang index crimes ay mga krimen tulad ng pagnanakaw, carnapping, homicide, murder at iba pa. Ang non-index crimes naman ay ang mga krimeng lumalabag sa mga special laws tulad ng paglabag sa batas trapiko, paglabag sa mga ordinansa at iba pa.

“Tumaas ngayong taon ang rekord ng krimen dahil sa pagtatalaga ng mga Barangay Lupong Tagapamayapa kung saan naging kasama natin ang mga barangay sa pagkakalap ng mga ulat ukol sa mga krimeng nangyayari sa mga barangay. Ibig sabihin, mas nagiging “pro-active” ang mga barangay sa pagbibigay-alam sa kapulisan sa mga kaganapan sa kani-kanilang barangay. Kung kaya ang ulat ng PNP ay hindi ang ulat ng mga krimen na galing sa police stations lamang. Kasama na rito ang ulat mula sa mga barangay at ng ilang ahensiya tulad ng PDEA, National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Kung kaya’t sa aming ulat makikita ang pagtaas ng krimen,” dagdag ni Tamayao.

Ipinahayag din ni P/Supt. Tamayao na ang syudad ng Tuguegarao ang may pinakamaraming naitalang krimen. Sumunod naman ang bayan ng Lal-lo at Iguig. Ang mga bayang walang ulat ng krimen sa unang dalawang buwan ng taon ay Sta. Teresita, Sta. Praxedes at Rizal. “Ang krimen sa lalawigan ay karaniwang nagaganap sa umaga at karamihan ng naitala ay kadalasang dahil sa mga insidente ukol sa trapik,” dagdag din niya.

Sa ulat naman ng 21st Infantry Battalion ng 5thID ng Philippine Army, may mga nahuli ng trak na naglalaman ng mga ilegal na kahoy. Isinagawa ang panghuhuli noong Enero 7, Pebrero 4 at Pebrero 23, 2014 sa Piggatan, Alcala. Umabot sa 35,000 board feet ang mga nahuling ilegal na kahoy mula sa ilegal na pagpuputol ng kahoy.

Samantala, sinabi naman ni Director Purita Licas ng PIA Region 02 na dapat pag-aralang mabuti kung bakit patuloy na nangyayari ang mga krimen sa prubinsya at hanapan ito ng angkop na solusyon.

Dagdag pa niya na maaaring ang mga problema ay nag-uugat sa loob ng pamilya kung saan hindi nagagabayan ang bawat miyembro. Isa ring problema ay ang kahirapan kung kaya’t dapat na patuloy ang aksyon ng gobyerno sa pagpapa-unlad ng kabataan at ng bawat Cagayano.

Sinabi naman ni Director Corazon D. Toribio ng DILG na patuloy ang tulong ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay gabay at serbisyo sa mga mamamayan.

Pinatunayan naman ni Atty. Pauig, Chief of Staff ng Office of the Governor ang patuloy na pagbibigay ng suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng programa at proyektong nakatuon sa pagpapaigting ng kapayapaan at kaayusan sa Cagayan.

Dagdag ni Toribio na isa sa mga importanteng dapat pagtuunan ng pansin ng bawat Cagayano ay ang partisipasyon sa usapin ng kapayapaan at kaayusan. Hindi lang dapat umaasa ang mga tao sa kung ano ang maaaring ibigay ng gobyerno, bagkus, dapat lamang na gawin natin ang ating tungkulin bilang mamamayan. Kasama na rito ang pagiging mapagmatiyag lalo na sa pagbibigay-alam ng mga krimeng nangyayari sa ating pamayanan.

TIMEK TI BARANGAY

KAGAWAD ROSALIE IFURUNG-FLORENDO
BGY. CENTRO, PAMPLONA, CAGAYAN
KONSTRUKSYON NG MULTI-PURPOSE BUILDING

Nang naluklok sa pwesto si Alicia L. Banham bilang Punong Barangay ng Bgy. Centro, Pamplona, Cagayan noong taon 2010, ang kanyang prayoridad ay ang magkaroon ng multi-purpose building o barangay hall ang kanilang barangay sa kadahilanang ang Bgy. Centro lamang ang walang barangay hall sa labing-walong (18) barangay sa bayan ng Pamplona. Bagito man sa larangan ng pulitika, hindi siya nasiraan ng loob na kanyang maitatayo ang nasabing gusali.

Dahil sa limitadong pondo ng barangay, ang Konseho ay naghanap ng pondo at dumulog sa butihing Gobernador ng prubinsya na si Hon. Alvaro T. Antonio. Sa P150,000.00 tulong pinansyal noong 2011 at P100,000.00 noong 2012, nasimulan ang pagtatayo ng multi-purpose hall. Nang naluklok muli si Banham bilang Punong Barangay noong Oktubre 2013, muling nagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng P400,000.00 tulong pinansyal para sa bubong at pagpapaganda ng nasabing gusali. Si Gob. Antonio ay nangakong ibibigay ang kanyang suporta hanggang matapos ang nasabing gusali. Kung papalarin at ipahintulot ng Poong Maykapal, ang barangay hall ng Bgy. Centro ay matatapos na bago ang taong 2015. Sa pamamagitan nito, magkakaroon na ang barangay ng matatawag na bahay na siyang lugar ng mga diskusyon at talakayan na ang mga kalahok ay mismong mga residente. Magiging sentro rin ito ng mga aktibidad, programa at okasyon ng barangay na siyang simbolo ng kanilang pagkakaisa at partisipasyon.

Maraming salamat po Apo Gobernador! Mabuhay ka!

PROGRAMANG PANGKABATAAN

Noong Nobyembre 2013, ang Konseho ng barangay Centro sa pangunguna nina Punong Barangay Alicia L. Banham, Barangay Kagawad Rosalie Ifurung-Florendo at Barangay Kagawad Glory T. Aquino ay nagsagawa ng isang survey ng mga out-of-school-youth. Layunin nito na hikayatin ang mga kabataang ito na mag-aral muli. Sa tulong ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ni Rowena B. Bautista, Alternative Learning System Coordinator ng nasabing ahensya, ang mga opisyal ng Barangay Centro ay nakahikayat ng dalawampung (20) enrollees mula sa mga out-of-school-youth na inaasahang tataas ang antas ng kanilang educational level at maging kapakipakinabang na mamamayan ng prubinsya.

Tuwing Sabado, nagbibigay ang barangay sa enrollees ng pagsasanay upang mapahusay ang kanilang kakayanan at kaalaman. Sa kasalukuyan, sila ay gumagawa ng bag, pitaka, palamuti o bulaklak at vase na gawa sa beads. Plano ng konseho ng barangay na magtayo ng Pasalubong Center ngayong Abril 2014 na siyang sentro ng komersyo ng mga produktong gawa ng mga kabataan upang makatulong sa kanilang mga pamilya.

PHILHEALTH POINT OF CARE (P-CARE), ISINULONG NA

Ang Provincial Health Office (PHO) sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Health Insurance Company (PHIC) ay sinimulan nang isulong ang pagtatalaga ng Point of Care (P-Care) sa lahat ng 14 Hospital sa prubinsya ng Cagayan.

Matatandaang noong nakaraang taon ay naglaan si Gobernador Alvaro T. Antonio ng pondo para sa pagiging miyembro sa PHIC ng higit kumulang sa 33,000 indigent mula sa iba’t ibang bayan ng prubinsya upang makakuha ng benepisyong pangmedikal o pagpapagamot. Subalit hindi lahat ng mga naging miyembro ay nagamit ang naturang benepisyo.

Kung kaya’t naisipan ni Gob. Antonio ang isang alternatibo na siyang kagyat na tutugon sa pangangailangang medikal, pagpapagamot o pagpapa-ospital ng mga kababayan nating kapus sa aspetong pinansyal. Ito ay ang pagtatalaga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng mga P-Cares sa halos lahat ng Hospital sa prubinsya ng Cagayan. Sumailalim ang mga P-Cares ng pagsasanay mula sa paggamit ng assessment tool na masusing pinag-aralan at ginawa ng Social Worker ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Ang naturang assessment tool ay kinapapalooban ng mga katanungan na siyang gagabay sa mga P-Cares upang malaman kung ang isang pasyente ay kabilang sa kategorya ng C3 o D, o ito ay isang indigent na kabilang sa mga pinakamahirap na sektor ng lipunan na siyang magiging miyembro ng programang pangmedikal ng Pamahalaang Panlalawigan.

Inaasahang sa pamamagitan ng mga P-Cares mas marami nang matutulungan ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangangailangang medikal at mabawasan ang paglala ng mga karamdaman dahil sa kakulangan sa pagpapagamot.

HEAT STROKE, MAIIWASAN

Ang heat stroke ay isang kondisyon na dulot ng matagal na pagkababad sa mataas na temperatura o ang sobrang gawaing pisikal sa mainit na panahon. Kung ang temperatura ng isang tao ay umabot na ng 40oC o mas mataas pa, maaaring ito ay ma-heat stroke.
Maaaring magka-heat stroke kung tuluy-tuloy ang pagtaas ng temperatura ng katawan at kung ito ay pababayaan lamang. Maaaring magdulot ng pagkasira ng utak, puso, bato at kalamnan.
Ang mga sumusunod ay palatandaan kung ang isang tao ay magkaka-heat stroke:
• Pagtaas ng temperatura ng katawan
• Hindi pinagpapawisan
• Pagsusuka o nasusuka
• Pamumula ng balat
• Mabilis na paghinga
• Mabilis na pagpintig ng puso
• Pagsakit ng ulo
• Pagkalito
• Pagkawala ng malay
• Panghihina
Paraan upang maiwasan ang heat stroke
• Bawasan ang paggamit ng makakapal na
damit
• Maligo ng malamig na tubig
• Uminom ng 8-10 basong tubig
• Iwasan ang pag-inom ng alak o inuming
may halong alkohol
• Gumamit ng pananggalang tulad ng
payong at sumbrero
• Maglakad sa may mga lilim
• Maglagay ng basang tuwalya sa ulo, leeg,
kili-kili o singit
• Huwag masyadong gumawa ng mabibigat
na gawaing pisikal

 
Leave a comment

Posted by on March 26, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: