RSS

EDITORYAL (03/24/2014)

01 Apr

peoples action masthead final jpeg


EDITORYAL

Ang mga traysikel ay malimit na makikita sa mga abalang kalsada sa iba’t ibang dako ng prubinsya. Makikita sila na may makukulay na takip sa sidecar ng kanilang sasakyan, pasingit-singit sa ibang motorista upang makadiskarte ng pasahero.

Ngunit ano nga ba ang buhay ng isang traysikel drayber? Gumigising ng madaling araw at namamasada hanggang gabi na karaniwang kinikita ay nasa P200.00 – P400.00 kada araw. Kabilang pa rito ang badget para sa pambili ng mga spare parts at pagmementinensya ng kanilang traysikel. Idadag pa ang ibang drayber na naghahabol ng boundary.

Sa prubinsya ng Cagayan, may mahigit sa 23,699 ang rehistradong miyembro ng Tricycle Drivers and Operators Association (TODA), na base sa datos na ito, halos ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng isang pamilya ay sa pamamagitan ng pamamasada.

Sa kasamaang palad, hindi sapat ang kanilang kinikita upang suportahan at ibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Kung kaya’t lahat ng paghihirap ay kanilang susuungin at lalagpasan upang maibigay ang pangangailangan ng pamilya. Ganun na lamang ang kanilang pagtitiyaga at pagsusumikap sa pamamasada, paglalakbay kahit sa lubak-lubak at masukal na daanan at lahat ng diskarte ay gagawin para lamang may maiuwing sapat para sa mga taong umaasa sa kanila.

Atin ring idagdag ang maraming kaakibat na kapahamakan sa pagpapatuloy sa ganitong trabaho. Kung titignan ang lagay ng drayber sa ganitong sitwasyon, masasabing delikado dahil maaaring maaksidente sila kasama ang kanilang pasahero o makaaksidente sila ng iba.

Sa kadahilanang ito, pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang isang pagtitipon na layuning magkaroon ng pagkakaisa ng mga drayber at opereytor tungo sa isang matatag at maunlad na alyansa at upang malaman ang kasalukuyang kalagayan at mga hinaing ng nasabing grupo na kanilang haharapin sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan.

Inalam ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga suliranin at magagandang karanasang hinaharap ng mga TODA. Kabilang ang usaping pagpapatupad ng mga batas at ordinansang sumasaklaw sa transport group, pagmamanipula ng ilang personahe sa pagsasagawa ng mga batas, pagtaas ng presyo ng gasolina at piyesa, hiling sa pagtaas ng pamasahe, presensya ng mga kolorum at kanilang mga kakompitensya, proteksyon mismo ng mga transport group at higit sa lahat pagpapaunlad ng kanilang pangkabuhayan.

Ito ang nagtulak sa Pamahalaang Panlalawigan na magkaroon ang prubinsya ng isang pederasyon ng mga TODA upang maging boses ng grupo sa lipunan. Ito ang magsisilbing sandigan at lakas ng mga TODA upang masolbahan ang mga problema at labang kanilang hinaharap at haharapin katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan. Tunay na napakalaki at napakaimportante ng tungkulin at serbisyo ng transport group sa pag-unlad ng ating lipunan. Sila ang nagdadala ng mangagalakal na siyang nagpapalago sa ekonomiya ng ating prubinsya.

Mahirap ang maging isang drayber na nagmamaneho sa takbo ng buhay. Kinakailangan nilang magpagod araw-araw upang kumita at buhayin ang kanilang pamilya. Subalit mababakas sa kanilang gawain na sila ay nabubuhay ng marangal dahil sa nagtratrabaho sila ng marangal.

Huwag rin nating kakalimutan na ang isang magiting na drayber ay hindi lamang pansariling kapakanan ang iniisip o negosyo lamang ang pinasukang trabaho kundi ang paggampan ng kanyang responsibilidad at tungkulin upang mapagsilbihan ng maayos at may pag-iingat ang kanyang pasahero at ang mismong lipunan.

 
Leave a comment

Posted by on April 1, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: