RSS

People’s Action News (04/07/2014)

21 Apr

abril7Inilunsad kamakailan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Information Office (PIO) ang PIO dokumentaryo. Binubuo ito ng mga serye na maglalaman ng mga iba’t ibang aktibidad, programa at proyekto ng prubinsya. Ang unang serye ay naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon na magbibigay kaalaman sa mga Cagayano sa usapin ng paghahahanda sa oras ng sakuna at kalamidad. Ipapalabas ito sa RBC Cable, 5:30-6:30 ng hapon, mula Lunes hanggang Linggo. Ito rin ay ipapalabas sa lahat ng cable stations sa buong prubinsya.

Bilang panimula, tinalakay ang usapin patungkol sa sakuna at kalamidad na may temang “Cagayan… ang Pagharap sa Kalamidad”. Ang serye ay naglalaman ng usapin sa kalamidad na patuloy na nararanasan ng prubinsya. Kabilang dito ang bagyo, baha, landslide, lindol at tagtuyot na nagdudulot ng malaking pinsala sa mga Cagayano. Sa mga sakunang naranasan, bilyun-bilyong imprastraktura at ari-arian ang nasira. Dagdag pa ang pagkalugi sa agrikultura na siyang pangunahing pangkabuhayan ng mga Cagayano. Ito ang naging dahilan upang higit na pag-ibayuhin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gobernador Alvaro T. Antonio na siya ring Chairman ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Council (PCCDRRMC) ang pagligtas sa buhay sa oras ng kalamidad. Pinagtibay nito ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng lahat ng departamento ng Pamahalaang Panlalawigan, iba’t ibang ahensya at ng mismong mga Cagayano sa pagharap sa kalamidad. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at kooperasyon, naisakatuparan ang “zero casualty” sa mga sakunang dumating simula 2010 hanggang 2013. Ito rin ay isang paraan upang epektibong maibigay sa mga Cagayano ang kanilang pangangailangan sa oras ng sakuna.

Nabanggit din sa nasabing dokumentaryo ang ginawang pagpapaigting ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga programang pangkalamidad. Kabilang dito ang tuloy-tuloy na pagsasanay at pagbibigay ng dagdag kaalaman sa pagsagip ng buhay ng mga rescuers at volunteers. Kasama rin ang mga tulong na iginawad ng prubinsya sa mga nasalanta.

Nabigyang halaga rin ang mga programang mitigation at rehabilitasyon, paglilinis sa kapaligiran at pag-aalaga at pagprotekta sa kalikasan na siyang matagarang solusyon pagdating sa mga kalamidad. Ito ay upang siguruhin na ang bawat Cagayano ay ligtas sa oras ng kalamidad, may sapat na pagkain sa hapag-kainan at may tirahang masisilungan.
Binigyang kasiguraduhan ni Gob. Antonio na handa at may kakayahan ang prubinsya na tutugon sa anumang sakuna at kalamidad na tatama sa ating prubinsya.

Ang nasabing adhikain ay hindi kayang mapagtagumpayan mag-isa ng Gobernandor kung kaya’t kanyang pinapanawagan ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat Cagayano. Atin ding tandaan na ang ating kaligtasan ay nasa sarili nating pagsisikap kung kaya’t tayo ay magtulungan upang marating natin ang ating mga pangarap.

Ang kaligtasan ng bawat Cagayano ang siyang pinakamahalaga at pangunahing isinaa-alang ng Pamahalaang Panlalawigan. Ang lahat ng pagsasakripisyo at tulong ng bawat katuwang na ahensya at volunteers sa pagpapanatili ng zero casualty ay hindi lamang pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin. Ito ay isang mandato at responsibilidad upang siguruhin na ang bawat Cagayano ay may karapatang maging ligtas at malayo sa kapahamakan. Ang bawat Cagayano ay may mahalagang tungkulin at dapat maging responsableng mamamayan upang maging ligtas sa lahat ng sakuna, ito ang tunay na Gobyerno ti Umili.

PROVINCIAL CARAVAN AT CONSULTATIVE ASSEMBLY PARA SA PABAHAY PROGRAM, ISINAGAWA

Isinagawa noong ikatlo ng Abril 2014 ang Provincial Caravan at Consultative Assembly patungkol sa pabahay program ng Pamahalaang  Panlalawigan. Ang nasabing pagtitipon ay isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan upang gabayan ang mga lokal na pamahalaan para sa pagpaplano ng kani-kanilang pabahay program para sa kanilang mga kawani.

Kasama ng Pamahalaang Panlalawigan ang Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC, Housing and Land Use Regulatory Board o HLURB, Pag-ibig Home Development and Mutual Fund (HDMF) at National Housing Authority o NHA.

Pinangunahan ni Edna T. Junio, Provincial Administrator, ang nasabing pagtitipon na dinaluhan ng mga Mayor, Bise-Mayor, SB Member, Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC), Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) at Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) mula sa iba’t ibang bayan ng prubinsya. Kasama naman sa mga dumalo ang mga representante ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at mga miyembro ng Technical Working Group ng Provincial Government Employees Housing Program o PGEHP.

Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni PA Junio ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pabahay para sa mga kawani ng gobyerno. Sinabi niya na kailangang tugunan ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan sa pabahay. Nabanggit din niya na upang matupad ang programang ito, kailangan ang pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan, mga Lokal na Pamahalaan at mga ahensiyang nangangasiwa sa pambansang pabahay.

Samantala, ibinahagi naman ni Engr. Basilia Flores ng upadates ng PGEHP. Ipinaliwanag naman ni Rose Mandac ng PSWDO ang core shelter program ng Pamahalaang Panlalawigan. Nagsagawa naman ng presentasyon ang mga ahensiya ng HLURB, HUDCC, Pag-ibig at NHA kung saan ipinaliwanag nila ng husto ang kanilang tungkulin sa pagpapatupad ng programa ng pabahay para sa mga lokal na pamahalaan. Nagkaroon ng open forum at one-on-one consultation ang mga kalahok at mga ahensya.

TULOY-TULOY NA SERBISYO

Noong Abril 4, 2014, isang sunog ang naranasan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Ang Kamarannan Building na isang gusali nito ay tinupok ng apoy.  Kinaroroonan ito ng opisina ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), Human Resource and Management Office (HRMO), Provincial Tourism Office (PTO), Provincial Administrator’s Office (PA), Provincial Information Office (PIO), Provincial Veterinary Office (PVO), Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) at Provincial Legal Office (PLO). Sa naturang sunog, halos lahat ng dokumento at mahahalagang papeles ng OPA at HRMO ay tinupok ng apoy. Ang ibang opisinang nilalaman ng nasabing gusali ay bahagyang nadamay.

Sa aming pakikipanayam kay Virgilio Olangco, punong tagapagpataguyod ng HRMO, sadyang napakasakit ng pangyayari. Halos lahat ng mahahalagang dokumento ay naging abo kabilang ang mga gamit sa opisina ay natupok ng apoy. Ngunit hindi ito hadlang upang ipagpatuloy ng opisina ang serbisyo publiko. Ayon sa kanya, makikipag-ugnayan sila sa mga iba’t ibang opisina upang makakuha ng rekord ng halos 4,000 na empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan. Aayusin din nila ang mga dokumentong maaari pang maisalba.

Sa mensahe ni Gobernador Alvaro T. Antonio, hindi hadlang ang pangyayaring ito sa tuloy-tuloy na pabibigay ng serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan. Patuloy pa rin ang bawat departamento ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang nakaatas na gawain. Lalo sa mga opisinang apektado ng hindi inaasahang pangyayari, ipagpapatuloy pa rin nito ang mga nakahanay na mga prayoridad na programa at proyekto. Makakaasa sila sa suporta at tulong ng ibang departamento sa kanilang muling pagbangon.

Sa kasalukuyan, ang walong opisina na nasa Kamarannan Building ay inilipat sa iba’t ibang gusali sa labas at loob ng Pamahalaang Panlalawigan. Ito ay ang mga sumusunod:

OPA – Pangalawang Palapag ng Provincial
Climate Change and Disaster Risk Reduction
and Management Office (PCCDRRMO)
building, San Gabriel, Tuguegarao City,
Cagayan

HRMO – Provincial Engineering Office (PEO),
Capitol Grounds

PVO – Unang palapag ng PCCDRRMO building

PNREO – Capitol Gymnasium

PLO – Pangatlong Palapag ng Provincial Library o
Cagayan Learning Resource Center

PA – Provincial Social Welfare and Development
Office (PSWDO), Capitol Grounds

PTO – Provincial Museum, Capitol Grounds

PIO – Main Building (kaliwang bahagi), Capitol
Grounds

KANSER

Hindi nakakahawang sakit ang kanser, pero ito ay nakakamatay. Bata man o matanda, mahirap at mayaman, sila ay maaring magkaroon nito. Maaaring makuha ang kanser sa kapaligiran, pagkain, uri ng hanapbuhay, libangan at ang paninigarilyo ang pangunahing sanhi nito.
Ang mga sumusunod ay palatandaan ng pagkakaroon ng kanser:
•    Pabagu-bago ang pagdumi at pag-ihi
•    Hindi gumagaling na sugat
•    Pagkakaroon ng bukol
•    Hirap sa paglulon
•    Nunal na nag-iiba
•    Palagiang pag-ubo o pamamalat
•    Biglang pangangayayat
•    Abnormal na pagdurugo
•    Di maipaliwanag na pamumutla

Kung nakakaramdam ng kahit isa sa mga ito, kumunsulta agad sa inyong doktor. Tandaan, sa pamamagitan ng wastong kaalaman at maagang pagsusuri, ang kanser ay maiiwasan.

 
Leave a comment

Posted by on April 21, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: