RSS

People’s Action News (04/21/2014)

28 Apr

PAC Pebrero 3 2014Noong Abril 10 – 11, 2014, isinagawa na ang panayam at screening sa mga aplikante ng Special Program for Employment of Students (SPES) o mas kilala sa pangalang Summer Job.

Ang naturang summer job ay taunang programa na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng karagdagang pagkakakitaan ang mga estudyanteng matatanggap.

Layunin din ng programang ito na paunlarin ang kakayanan at kaalaman ng mga estudyante sa tunay na serbisyo publiko at hubugin sila kung paano magpahalaga sa kinikitang sahod, maging responsible sa mga ginagawa, magkaroon ng mga kaibigan at karanasan at higit sa lahat maimulat sila sa kahalagahan ng edukasyon sa larangan ng pagtatrabaho.

Upang matanggap sa nasabing trabaho, kinakailangang ang aplikante ay nasa edad 15 – 25. Siya rin ay kailangang mag-enrol sa darating na pasukan, hindi benepisaryo ng anumang scholarship program ng ibang ahensya ng gobyerno at hindi natanggap sa summer job program ng ibang ahensya ng gobyerno.

Umabot sa halos 1,500 ang mga aplikante mula sa iba’t ibang bayan sa prubinsya. Sila ay dadaan sa masusing evaluation na isasagawa ng mga SPES Coordinators ng People’s Action Center (PAC) at Chief of Staff (COS). 435 ang makukuhang aplikante para sa SPES.
Hangad ng Pamahalaang Panlalawigan na mabigyan ng trabaho ang higit sa 1,500 na aplikante subalit 435 lamang ang kayang ilaan ng badyet para sa SPES program sa taong ito.

Sa nasabing programa, makakatanggap ang bawat bata ng P 350.00 bawat araw. Ang gagamiting pondo ay paghahatian ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng DOLE. P 210.00 ang ibibigay ng Pamahalaang Panlalawigan habang ang DOLE naman ay magbibigay ng kanilang counterpart sa halagang P140.00 bawat araw. Magtatrabaho ang mga mapipiling aplikante sa loob ng 20 na araw. Ito ay ayon sa guidelines ng SPES program.

Ang mga matatanggap na aplikante ay itatalaga sa mga opisina ng Pamahalaang Panlalawigan tulad ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO), Provincial Information Office (PIO), Provincial Library (Cagayan Learning Resource Center), Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Office (PCCDRRMO), PAC at iba pa.

Hindi lamang pang-opisinang trabaho ang kanilang gagawin kundi isasama rin sila sa mga programang pangkalikasan tulad ng tree planting activities at solid waste management segregation education campaign. Itatalaga sila sa mga iba’t ibang nursery na pinamumunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Sa pamamagitan ng SPES program, ang mga kwalipikadong aplikante ay mabibigyan ng pagsasanay at karanasan na kanilang magagamit pagdating ng araw.

PAGTATAPOS NG INMATES SA CAGAYAN PROVINCIAL JAIL

Jail ALSNoong nakaraang Abril 11, 2014, nagtapos ang labin-limang (15) inmates ng Cagayan Provincial Jail (CPJ) sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS), isang programa ng Department of Education (DepEd), na kung saan ang isang indibiduwal ay maaaring magtapos ng elementarya o sekondarya, sa nakatakdang panahon na ibibigay ng DepEd. Inilunsad ang naturang programa noong Abril 2013 sa pakikipagtulungan ng Provincial Warden’s Office ng Cagayan.

Ang mga implementers na galing sa DepEd ang siyang magsisilbing guro ng mga inmates upang ibigay ang karampatang kaalaman na angkop sa antas na kanilang tatapusin. At bilang batayan na sila ay pumasa, sumailalim sila sa isang pagsusulit.

Sa 15 na nagtapos, lima (5) ang nagtapos ng elementarya at sampu (10) ang nagtapos ng sekondarya. Apat sa mga ito ay lumaya na, kung kaya maaari na nilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral base sa natapos nilang antas.

Ayon kay ni Fritz dela Torre Pablico, isang inmate na nagtapos ng sekondarya, hinimok niya ang iba pang mga inmates na makilahok sa nasabing programa ng ALS at huwag nilang gawing hadlang ang kasalukuyang kalagayan sa pagkamit ng dagdag karunungan.Ayon pa sa kanya, kung sakaling mabibigyan ng pagkakataong makalaya, maari na niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral upang makahanap ng isang marangal na trabaho at maitaguyod niya ang dalawang anak, bilang padre de pamilya. Nagpasalamat din siya sa Diyos sa pagkakataon at opportunidad na ibinigay sa kanya.

Sa mensahe ni Gilbert Tong, School’s Division Superintendent ng DepEd, labis ang pasasalamat nila sa Pamahalaang Panlalawigan, lalong lalo na kay Gobernador Alvaro T. Antonio sa mga tulong na ipinagkaloob niya upang maisakatuparan ang programa.

Ayon kay Provincial Warden Perfecto Santos, ibibigay niya ang lahat ng suporta sa mga ganitong programa upang matulungan at makapag-aral ang mga bilanggo.

Nabanggit ni ALS Education Program Supervisor Daisy S. Moral ng DepEd Division Office, Tuguegarao City, na layon din ng programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga Out-of-School Youth na mga kabataan at mga matatanda na magpatuloy at makapagtapos ng pag-aaral.

INTER-AGENCY SPORTSFEST 2014

Ngayong buwan ng Abril hanggang Mayo, gaganapin ang 7th Governor Alvaro T. Antonio Inter-agency Sportsfest 2014 na pangungunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Ito ay paligsahan ng mga empleyado ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maipamalas ang kanilang galing at talento sa larangan ng sports. Ito rin ay isang aktibidad na magbibigay saya, magpapatatag ng pagkakaisa at pagtutulungan at tutugon sa pangangailangang magkaroon ng malusog na pangangatawan at pag-iisip ng mga empleyado upang lalong mapaunlad ang kanilang kakayanan sa serbisyo publiko.

Ang sporsfest ay lalahukan ng 21 na ahensya ng gobyerno. Ang mga kalahok na ahensya ay nahati sa apat na grupo sa pamamagitan ng bunutan. Ang unang grupo ay binubuo ng Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao (LGU-Tuguegarao), Department of Labor and Employment-Technical Education and Skills Development Authority (DOLE-TESDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Higher Education (CHED). Ang pangalawang grupo naman ay binubuo ng Bureau of Fire Protection (BFP), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Pag-IBIG, Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang kabilang sa pangatlong pangkat ay ang Department of Budget and Management (DBM), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO). Sa pang-apat na pangkat naman ay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC), Department of Education (DepEd), Philippine Statistics Authority (PSA), Philhealth at Department of Agriculture (DA).

Magtutunggali sa limang sports events ang apat na grupo. Ito ang basketball, volleyball, badminton, table tennis at chess na gagamitan ng sistemang “double elimination round” maliban sa chess. Gaganapin ang mga sports events kada Martes hanggang Biyernes.
Sa pagbubukas ng sportsfest, isang fun run activity ang isinagawa. Sinundan ito ng isang programa na dinaluhan ng halos 300 na katao sa Capitol gymnasium.

Sa mensahe ni Gob. Alvaro T. Antonio, nabanggit niyang ang lalawigan ng Cagayan ay isa ng rising power sa larangan ng sports. Ipinagmalaki rin niya ang buong suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga proyekto at aktibidad sa larangan ng sports. Kanya ring inaasahan na sa pamamagitan ng sportsfest na ito, maraming atleta ang madidiskubre at mapapaunlad at maraming kabataan ang maeengganyong makisali sa mga palaro. Hangad din niya na lubusang makilala ang prubinsya sa larangan ng sports hindi lamang sa buong bansa.

Dagdag pa ni Gob. Antonio na ang papremyo para sa 1st placer ay P 200,000.00, P 100,000.00 sa 2nd placer, at P 50,000.00 sa 3rd placer. Bukod pa rito, may nakalaang P 20,000.00 sa bawat koponan at ibang mga premyo sa bawat indibiduwal na manlalro.

SORE EYES-ANO ITO?

Ang sore eyes ay sanhi ng isang “virus”. Ito ay karaniwang sakit tuwing tag-init at nakakahawa mula umpisa ng paglabas ng palatandaan hanggang labing apat (14) na araw. Kusang nawawala ang mga palatandaang ito kahit hindi gamutin sa loob ng isang linggo.
Ito ay nakukuha mula sa sekresyon ng mata ng taong may sore eyes. Nakukuha din ito sa mga kontaminadong gamit at pampatak sa mata at sa swimming pool.

Mga palatandaan:
. Pangangati ng mata
. Pamumula at pananakit ng mata
. Paglabo ng paningin
. Maaaring may sinat
. Pananakit ng ulo at panghihina

Walang eksaktong gamot ang maaaring inumin o ipahid sa mata. Subalit kung ang pamumula o paglabo ng paningin ay patuloy pa rin pagkatapos ng dalawang linggo, kumunsulta na agad sa doktor sa mata.

Mga paraan ng pag-iwas sa sore eyes:
. Iwasan ang panghihiram ng tuwalya,
pampatak sa mata, make up sa mata
at sunglasses

. Huwag kusutin ang mata pag ito ay
nangangati

. Magsuot ng proteksyon sa mata kung
malakas ang hangin upang
maiwasan ang pagkapuwing kapag
panahon ng sore eyes

. Umiwas sa mataong lugar

. Bawasan ang palagiang paghawak ng
mga kamay sa mata

 
Leave a comment

Posted by on April 28, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: