RSS

People’s Action News (04/28/2014)

05 May

PAC Pebrero 3 2014

“Ang paghubog sa malikhaing isipan ng mga art lovers sa lalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng pagguhit at pagpipinta kay Inang Kalikasan ang pinakapangunahing layunin sa pagsasagawa ng kauna-unahang Nature Art Camp ng Cagayan Historical Research Center o Cagayan Museum ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.” Ito ang naging pahayag ni Emma Gammad, Officer-In-Charge ng Cagayan Museum sa ginanap na Nature Art Camp 2014 sa Cagayan Eco-Tourism Zone, Callao, Peñablanca, Cagayan, noong Abril 22-24, 2014.

Ang tatlong-araw na workshop ay binuo ng 22 art lovers na absolute beginners o first-timers at advanced o may kaalaman na sa paglikha ng ilang obra o art pieces. Kabilang din sa workshop ang dalawang bagong miyembro ng Cagayano Artist Group (CAG). Ang mga kalahok na mga estudyante sa elementarya, sekondarya, kolehiyo at empleyado ay nagmula sa mga prubinsya ng Cagayan at Isabela.

Ayon kay Jennifer Consumido, Bise-presidente ng CAG at trainer ng Nature Art Camp, ang mga kalahok ay mariing sinanay sa basic art techniques at strokes upang makabuo ng sariling konsepto. “Ang bawat isa ay nabigyan ng pagkakataong mamili ng sariling paksa mula sa kapaligiran upang ito ay ipinta ayon sa kanilang estilo. Dito masusukat ang kanilang kakayahan lalo na sa art techniques, color-blending, at finishing. Ito ang unang proseso na dapat nilang matutunan sa pagbuo ng magandang obra,” dagdag ni Consumido.

Samantala, sa pagtatapos ng aktibidad ay iprinisenta ng bawat artist ang kanilang naggagandahang obra sa mga bisita. Namangha ang mga empleyado ng Cagayan Museum at ang trainers dahil sa nakitang pag-unlad at pagbabago mula sa obra ng mga ito.

Ayon kay Gammad, “Nakakataba ng puso na masilayang ang ilan kahit absolute beginners pa lamang ay hindi na matatawaran ang galing sa pagpipinta. Nagpapasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Cagayan Museum  sa ipinakita ninyong galing at kooperasyon. Umasa tayo na hindi ito ang una at huling aktibidad na huhubog sa inyong malikhaing imahinasyon kundi ito ang daan sa susunod pang mga aktibidad na bubuo sa inyong pangarap,” pagtatapos ni Gammad.

Kabilang sa mga trainer ng Nature Art Camp 2014 na may temang “Haplos Sining ni Inang Kalikasan” ay sina Lucio Taguiam, Arnold Marzan, Rizal Malbog, Jr., Edgar Paz at Paul Domingo.

Naging matagumpay ang nasabing programa sa pakikipagtulungan din ng  Pandayan Bookshop, Mall of the Valley, Tuguegarao City at Provincial Tourism Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

PGEHP, PATULOY ANG IMPLEMENTASYON

Iniulat kamakailan ng Technical Working Group (TWG) ng Provincial Government Employees Housing Program (PGEHP) ang patuloy na implementasyon ng pabahay program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan.

Inilatag ni Engr. Basilia Flores, Assistant Engineer ng prubinsya at miyembro ng TWG ng PGEHP sa naganap na “Provincial Caravan and Consultative Assembly with Local Officials and Officers of PGC on Provincial Pabahay Program” ang estado ng programang pabahay ng prubinsya. Ang nasabing aktibidad ay inilunsad ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) sa pakikipagtulungan ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), Home Development and Mutual Fund (HDMF) at National Housing Authority (NHA).

Ayon kay Engr. Flores, patuloy ang masigasig na implementasyon ng PGEHP na unang inilunsad noong taong 2009 sa kagustuhan ni Gobernador Alvaro T. Antonio na mabigyan ng pabahay ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan. “Ang PGEHP ay naitayo sa pamamagitan ng Provincial Ordinance No. 05-2009 at ito ay naglalayong makapagbigay ng pabahay sa mga empleyado sa murang halaga,” dagdag ni Flores.

Samantala ang PGEHP ay may dalawang lugar:  Carig, Tuguegarao City, Cagayan at Patagueleg, Peñablanca, Cagayan. Ang Carig Housing Site ay may lawak na 39,545 sq.m. na may 215 na lote at may laki na 96 sq.m. kada lote. Ito ay nabigyan na ng HLURB Certificate of Registration No. 18144 na may pangalang Cagayan Capitol Employees Socialized Housing Project. May 124 ng empleyado ang nakakuha ng Transfer Certificate of Title (TCT) sa nasabing site. May 32 pang benepisaryo ng programa ang kasalukuyang pinaparehistro.

Patuloy naman ang pagdedevelop sa Carig site. May backfilling na sa Carig at natapos na rin ang paglalagay ng line drainage na may 230 linear meters sa nasabing lugar na natapos lamang ng 3rd quarter ng nakaraang taon.

Samantala, ang Patagueleg site naman sa Peñablanca ay may lawak na 359,211 sq.m. na may 1,449 na lote na may 120 sq.m. Ito ay nauri na bilang residential lot mula sa pagiging agricultural na lote. Kasalukuyan ding inaayos ng TWG ng PGEHP ang pagpaparehistro ng mga lote sa Patagueleg. Inaasahang matatapos ang pagpaparehistro ng mga ito sa susunod na taon. Sa nasabing lugar, may 1,253 na lote ang nabili ng empleyado sa Phase 1 at mayroon namang 196 na lote sa Phase 2.

Ang Patagueleg lot ay nabili ng Pamahalaang Panlalawigan sa halagang P2,423,650.80 noong taong 2008 sa pamamagitan ng Supplemental Budget No. 4-2008. Ang Carig lot naman ay pagmamay-ari ng Pamahalaang Panlalawigan.

Inihayag ni Edna T. Junio sa kanyang mensahe noong Provincial Pabahay Caravan, na ang PGEHP ay isang halimbawa ng programang nakatuon sa pagpapaunlad ng mga empleyado. “Ang pabahay ay isa sa mga importanteng pangangailan ng tao at nararapat lamang na ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ay mabigyan ng disente at abot-kayang pabahay para sa kanilang pamilya,” dagdag ni Junio.

Hinikayat din ni Junio ang ilan sa mga lokal na pamahalaan na dumalo sa pagtitipon na umpisahan ang pagpaplano at paglalaan ng programang pabahay para sa kanilang kawani. “Ito ay isang mahalagang pamana na maiiwan ninyo sa inyong mga kababayan na magsisilbing kayamanan ng kanilang pamilya,” sabi ni Junio.

Mula sa paglulunsad ng pabahay program noong 2009, patuloy ang pagsasagawa ng mga aksyon at plano para sa PGEHP. May mga ilang aktibidad pang inaasahan patungkol sa PGEHP at isa na rito ang pagbibigay ng TCT sa ilan pang benepisaryo ng Carig site. Inaasahan din ang patuloy na pagpapaunlad ng dalawang site kabilang na ang patuloy na konstruksyon ng road networks at pagpapatayo ng line drainage sa Patagueleg.

PAGDIRIWANG NG WORLD MALARIA DAY

Ang World Malaria Day ay unang ipinagdiwang noong Abril 25, 2008. Ito ang araw kung saan nagkaroon ng pandaigdigang pagkakabuklod upang makapagbigay ng epektibong pamamaraan ng pagkontrol sa sakit na malaria. Ayon sa Republic Act No. 7161, na kilala din bilang Local Government Code, binibigyan ang bawat lokal na pamahalaan ng gamit upang maipatupad ang serbisyo sa pagpapalaganap ng lunas para sa malaria. Katuwang ng mga lokal na pamahalaan ang Department of Health (DOH) upang masiguro ang pagbibigay ng karampatang serbisyo medikal para sa naapektuhan ng sakit.

Noong taong 2012, naitala ang pinakamababang kaso ng malaria sa bilang na apatnapu’t dalawa (42) at bumaba ang kaso ng 90% sa buong lalawigan ng Cagayan. At ngayong unang quarter ng taong 2014, may naitalang limang (5) kaso lamang. Ang pagbaba ng kaso ng malaria ay isang indikasyon na makakamit ang isa sa adhikain ng Millenium Development Goal, na maging Malaria Free ang Pilipinas sa taong 2020.

Ang malaria o kaligkig ay isang uri ng sakit na nakakahawa at napapasalin sa pamamagitan ng kagat ng isang lamok. Ang sanhi nito ay ang parasite na tinatawag na plasmodium parasite. Makukuha rin ang sakit na ito sa pamamagitan ng pagsalin ng infected na dugo ng isang tao. May apat na uri ng plasmodium parasite, subalit ang nagdudulot ng maaring pagkamatay ay ang plasmodium falciparum na dala ng isang female (babae) anopheles mosquito (lamok). Ang parasite ay pumupunta sa atay (liver) at dito dumarami hanggang sa mahawa o maimpeksyon ang pula ng dugo (red blood cell).

Ang mga sumusunod ang palatandaan o sintomas ng pagkakaroon ng malaria:

•    Panginginig sa sobrang ginaw
•    Sobrang taas ng temperatura o mataas na
lagnat
•    Sobrang pagpapawis
•    Pagkahilo
•    Pagsusuka
•    Pananakit ng tiyan
•    Pananakit ng kasukasuan at likod

Mga dapat gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng malaria:

•    Magkulambo kapag natutulog tuwing gabi
•    Magsuot ng damit na may mahabang
manggas at magpantalon
•    Magpahid ng insect repellant o lotion
•    Magpausok para maitaboy ang lamok
•    Kumunsulta kung may sintomas ng malaria
•    Magpasuri ng dugo para sa tamang
gamutan

ORYENTASYON SA MGA COMMUNITY INFORMATION OFFICERS

Isinagawa kamakailan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Information Office (PIO) ang oryentasyon ng mga Community Information Officers (CIO) bilang pag-uumpisa ng kanilang tungkulin at responsibilidad sa pagpapalaganap ng mga mahahalagang impormasyon, programa at proyekto na malaki ang maitutulong sa pangkabuhayan ng mga Cagayano. Matatandaang ito ay isang inobasyon ng PIO sa pakikipagtulungan ng People’s Action Center (PAC) at Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Office (PCCDRRMO) na magiging katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang mga CIO upang lalong mapabilis ang daloy ng impormasyon sa mga mamamayan lalo na sa usapin ng kalamidad.

Ang nasabing oryentasyon ay isang patunay na nagkakaisa ang mga mamamayang Cagayano sa pag-alam ng mga isyu at pagtugon sa mga problemang hinaharap ng prubinsya. Ito rin ay pagsasabuhay ng adbokasiya ng Gobyerno ti Umili (GTU), ang salubungan ng mismong mga Cagayano at gobyerno tungo sa makabuluhang pagbabago, mahigpit na pagkakatuwang at buhay na pagbibigkis.

 
Leave a comment

Posted by on May 5, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: