RSS

People’s Action News (05/05/2014)

12 May

PAC Pebrero 3 2014Upang mapabilis ang pag-asenso at pag-unlad sa ekonomiya ng prubinsya, patuloy ang pag-iimplimenta ng mga proyektong pang-imprastraktura ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Engineer’s Office (PEO). Kinabibilangan ito ng pagsasaayos ng mga kalsada at tulay, pagtatayo ng mga gusali at pagpapaunlad ng mga pasilidad pangkalusugan, pang-edukasyon at pampalakasan. Kasama rin ang pagsasaayos ng sistema ng malinis na suplay ng tubig at irigasyon.

Sinisimulan na ring ilaan ang pondo sa mga iba pang malalaking proyektong pang-istraktura sa taong ito. Dagdag pa ang patuloy na pakikipag-ugnayang isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa ibang ahensya ng gobyerno at ang puspusang pangongolekta ng buwis upang mapalaki ang pondo para sa pagpapatayo ng mga imprastrakturang kailangan ng mga Cagayano.

Patunay dito ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan sa Department of Agriculture (DA) upang lalong mapaunlad ang sektor ng agrikultura na siyang pangunahing pangkabuhayan ng mga Cagayano. Nadagdagan ang pondo sa pagpapatayo ng mga Small Water Impounding Projects (SWIP) na tunay na makakatulong sa pang-agrikulturang pangkabuhayan ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng SWIP, naisaayos ang sistema ng patubig sa mga palayan at maisan. Bukod pa rito, maaaring magpalaki ng mga isda rito partikular ang tilapia na puwedeng pang-alternatibong pangkabuhayan ng mga Cagayano. Dagdag pa ang pasasagawa ng tree planting activities sa mga SWIP areas na isang paraan ng pagpapaganda at pagprepreserba ng kalikasan. Ito rin ay isang matagalang solusyon sa climate change at sa pagpigil sa posibleng malaking pinsalang dala ng mga kalamidad. Sa katunayan, 27 SWIPs na ang naitatayo at naaayos ng Pamahalaang Panlalawigan. At dahil sa mga di matatawarang benepisyo na makukuha rito, ito ang naging pangunahing proyekto o benchmark project ng kasalukuyang administrasyon.

Bukod sa mga malalaking proyekto na patuloy na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan, nagbibigay rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng tulong pinansyal sa mga lokal na pamahalaan at barangay na nasasakupan nito. Kabilang dito ang barangay hall, day care centers, multi-purpose drying pavement, farm-to-market roads at iba pang pampublikong istraktura na tunay na makakatulong sa kanilang pang-araw araw na pangkabuhayan. At upang maitayo ang mga ito, kinakailangan ang pagkakaroon ng bayanihan ng mga residente na siyang magpapatatag ng kanilang pagkakaisa at pagkakapit-bisig.

Ang mga sumusunod ay ang kasalukuyang malalaking proyektong iniimplementa sa loob ng dalawang taon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng PEO:

table

INMATES NG APARRI JAIL ANNEX SINANAY SA PAGHAHABI NG BAYONG

 Sinanay sa paghahabi ng bayong o basket-making na gawa sa silag at iba pang indigenous materials ang 20 inmates ng Aparri jail annex, Aparri, Cagayan noong  April 21-25, 2014.

Ang pagsasanay  ay nasa ika- apat na taon na ngayong isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) at sa pakikipagtulungan ng trainers mula sa Calamaniugan Weavers Association. Layon ng pagsasanay na bahagian ang mga bilanggo ng livelihood skills upang magkaroon ng mapagkakakitaan at maging paki-pakinabang sa pamilya habang nasa loob ng kulungan. Dagdag pa rito ang patuloy  na pagpapaigting ng PNREO sa pagpapatupad ng programang Ecological Solid Waste Management. Ang pagsasanay ay sa pakikipagtulungan din ng Aparri Provincial Jail Annex sa pamumuno ni Armando Adalin ang Officer- In- charge ng piitan.

Ayon kay Felina Lacambra, Community Development Officer ng PNREO, simula 2010 ay nagkaroon ng ilang pagsasanay sa paggawa ng bayong ng inmates ng Aparri jail. Dahil sa pagsasanay na ito dumami ang mga bilanggo na nakatulong sa kanilang pamilya kahit nasa loob sila ng piitan. Dagdag pa ni Lacambra: “Nakakatuwang isipin na mula sa naibahagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa proyektong pangkabuhayan ay mababago ang buhay ng ating mga kababayan na nalihis ng landas.”

Bukod sa materyales na mula sa silag, nitong nakaraang taon ay sinanay ng PNREO at trainers ang mga bilanggo sa paghahabi ng bayong mula sa pinatuyong dahon ng water lily. Ayon kay Lacambra ang mga water lily ay karaniwang matatagpuan sa ilog, lawa at sapa na  pumipigil sa magandang daloy ng tubig. Sa pamamagitan  ng pagkuha at pagpapatuyo ng mga water lily ay napapakinabangan sa paggawa ng bag, tsinelas at iba pang bagay. Hindi lamang tayo nakapagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa ating mga bilanggo kundi nakakatulong din tayo sa pagprotekta sa ating  mga ilog, lawa at sapa at sa ating kapaligiran. Higit sa lahat nakakabawas tayo sa pagbaha sa ating lalawigan na minsang sanhi ng mga water lily at napapangalagaan natin ang ating inang kalikasan pagtatapos ni Lacambra.

SUMMER JOB NG MGA MAG-AARAL, NAGSIMULA NA

Isinagawa na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang oryentasyon ng mga kabataan na napabilang sa Special Program for Employment of Students (SPES) o mas kilala sa tawag na Summer Job noong ika-5 ng Mayo, 2014. Ang tema ng oryentasyon ay SPES Youth: Joining hands in helping the Cagayano communities. Kabilang ang programa sa 10K agenda ni Gobernador Alvaro T. Antonio, ang Karunungan.

Dumalo sa nasabing oryentasyon sina Gob. Alvaro T. Antonio, ilang empleyado at opisyal ng People’s Action Center (PAC) at DOLE kasama ang mga SPES beneficiaries.
Bilang panimula, nagbigay ng mensahe si Cristina I. Antonio, tagapagtaguyod ng PAC, na hindi lamang matutulungan ng gobyerno sa pinansyal na aspeto ang mga kabataang kabilang sa SPES, kundi matuturuan silang pagandahin at pangalagaan ang kapaligiran at magiging katuwang sila ng Pamahalaang Panlalawigan sa serbisyo publiko.
Sa pambungad na pagbati ni Marites Taccad, Public Employment Services Officer ng Pamahalaang Panlalawigan, dapat na pagyamanin ng mga kwalipikadong estudyante ang pagkakataong ito upang makatulong sa lipunan at magulang at sa paghubog ng kanilang mga sarili.

Sa mensahe ni Gob. Antonio, nabanggit niya na pahalagahan ng mga kabataan ang oportunidad na ito upang makatulong sa kanilang sarili at mga magulang. Dagdag pa niya, kung nais ng isang tao na mapabuti at mapaganda ang kanyang kinabukasan, dapat niyang ibigay ang lahat ng kaniyang makakaya at kailangang sumunod sa mga alituntunin upang walang maging problema.

Ayon pa sa kanya, ipagpapatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan at DOLE ang ganitong simulain. Hinikayat din niya ang mga kabataan na gawin ang nakatakdang mga gawain at magtrabaho ng husto upang makatulong sa kanilang kinabukasan.

Bilang bahagi ng oryentasyon, ipinaliwanag ng mga representante ng DOLE na sina Maribeth Liban, Kathleen Sabado, at Reynald Allan ang mga alituntuning sumasaklaw sa SPES, mga karapatan ng mga kabataang kabilang dito, benepisyong kanilang matatanggap tulad ng insurance para sa kanilang seguridad at sahod na kanilang matatanggap.

Sa pamamagitan ng programang ito, magiging produktibo ang mga kabataang Cagayano, matututo sila ng mga bagong karanasan at magkakaroon ng mga bagong kaibigan sa labas ng silid-aralan na kapupulutan ng aral at higit sa lahat magiging katuwang sila sa tunay na serbisyo publiko na makakatulong sa kanilang kapwa Cagayano.

SEXUALLY TRANSMITTED INFECTION

Alam niyo bang  ang Sexually Transmitted Infection (STI) ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha at hindi paggamit ng tamang proteksyon. Ang mga halimbawa ng STI ay gonorrhoea, syphilis, Human Immuno Deficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).

Ang gonorrhoea o tinatawag na tulo ay isang impeksyon na dulot ng bakterya. Lumilitaw ang mga palatandaan mula tatlo hanggang siyam na araw matapos mahawaan. Ang mga palatandaan ay may lumalabas na malapot, malabo, kulay dilaw o puting nana mula sa aring pangkasarian. Nagkakaroon din ng hapdi sa pag-ihi nang madalas kung ihahambing sa pangkaraniwan. Ang mga sintomas ay lagnat, pangangati ng kasarian at puwitan, pananakit at pamamaga ng mata. Sa mga kababaihan, hindi normal ang pagreregla at kung minsan ay nagkakaroon ng tulo sa lalamunan sanhi ng paggamit ng bibig.

Ang syphilis ay masalimuot na karamdaman. Dinudulot ang sipilis ng bakteryang treponema paladyum (treponema pallidum). Kumplikado ang sakit na ito dahil kinabibilangan ito ng tatlong yugto o sintomas.

Ang HIV ay isang uri ng virus na nagiging sanhi ng AIDS. Pinahihina nito ang natural na depensa ng ating katawan (immune system). Maaring manatiling malusog tignan ang isang taong may HIV sa loob ng mahabang panahon.

Masasalin ang HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng walang condom; pakikipagtalik gamit ang ari, puwit at bibig lalo na kung ito ay may sugat. Masasalin ito sa pamamagitan ng dugo at iba pang produkto nito. Makukuha rin ito mula sa ina na may HIV patungo sa sanggol sa kanyang sinapupunan.

Ang AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome ay kondisyon ng katawan na kung saan wala na itong kakayanang lumaban sa sakit tulad ng tuberculosis, pulmonya, kanser at marami pang iba na pwedeng maging sanhi ng kamatayan.

Maiiwasan ang HIV at AIDS sa pamamagitan ng mga sumusunod:
•    Hindi pakikipagtalik
•    Pagiging tapat ng mag-asawa sa isa’t isa
•    Pag-iingat sa pakikipagtalik at wastong
paggamit ng kondom palagi
•    Huwag makipaghiraman ng krayom o
heringilya na gamit na
•    Maagang pagsuri at paggamot sa STI; at
•    Tamang kaalaman at edukasyon
Hindi nakukuha ang HIV sa pamamagitan ng:
•    Kagat ng lamok
•    Pakikipagsalamuha sa kapwa
•    Paggamit ng palikuran
•    Pagligo sa swimming pool
•    Paggamit ng kasangkapan ng taong may HIV
•    Pakikipagkamayan, halikan at yakapan sa
taong may HIV, at
•    Paggamit ng manicure set tulad ng nailcutter,
pusher, at nipper

 
Leave a comment

Posted by on May 12, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: