RSS

People’s Action News (05/12/2014)

19 May
PAC Pebrero 3 2014

Pagbibigay ng financial assistance sa isang benepisaryo

by: Jea Crissa Salvio, SPES

Patuloy ang mga programa at proyektong  isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na naglalayong maibsan ang kahirapang nararanasan ng mga Cagayano lalo ang mga kapos-palad. Kabilang dito ang mga programa at proyektong sumasaklaw sa 10K Agenda ng kasalukuyang administrasyon partikular ang Kawanggawa. Isa rito ang pagbibigay ng kagyat na tulong pinansyal para sa pangangailangang medikal ng mga Cagayano. Kasalukuyan itong isinasagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinangangasiwaan ni Helen Donato, Officer-in-Charge ng nasabing opisina.

“Kadalasan, ang mga taong lumalapit sa aming opisina ay humihingi ng tulong pinansyal para sa pagpapaospital at pagpapagamot,” ayon kay Benita Sigua, Social Welfare Officer I ng PSWDO.

“Ito ay malaking tulong para sa mga mamamayan ng prubinsya ng Cagayan, lalo na sa mga taong na-ospital sanhi ng malubhang karamdaman o dulot ng aksidente. Kabilang na rin ang patuloy na pagpapagamot upang tuluyang gumaling ang maysakit,” dagdag pa niya.

Upang makakuha ng nasabing ayudang pinansyal, kinakailangan ang mga rekisito tulad ng medical abstract/certificate, certificate of indigency,  case study mula sa City/Municipal Social Welfare and Development Office at request letter. Kapag nakumpleto na ang mga rekisito, maaari na itong ipasa sa PSWDO para sa assessment at pagtatalaga ng halaga ng tulong pinansyal base sa resulta ng assessment na isinagawa.

Dagdag pa ni Sigua, sa mga rekisitong kailangan, mas maigi kung medical abstract ang maibibigay kaysa medical certificate, sapagkat dito makikita ang kasaysayan ng pagkakasakit ng tao at dito  rin maibabatay ang tulong na maaaring ibigay ng Pamahalaang Panlalawigan.

PAGLAGDA NI GOBERNADOR ANTONIO SA MOA NG PGC AT LBP

by: Fleurwyl Kaye B. Tenay, SPES

Sa ginanap na regular session noong ika-29 ng Abril, 2014, ipinasa ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyong mag-ootorisa sa punong ehekutibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang lumagda sa MEMORANDUM OF AGREEMENT (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at Land Bank of the Philippines (LBP), Tuguegarao City patungkol sa Livelihood Loan Facility sa mga opisyales at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Sa ilalim ng kasunduan, ang maaaring mabigyan ng loan assistance ay mga permante o regular  na empleyado, elected officials at co-terminus appointees ng Pamahalaang Panlalawigan na nasa  isa o higit sa isang taon na sa serbisyo.

Nakasaad din dito na ang mga empleyadong may antas ng salary grade 18 pataas ay maaaring makakuha ng livelihood loan assistance katumbas ng walong buwan ng kanilang gross pay ngunit hindi hihigit sa  P450,000.00. Sa ngunit hindi hihigit sa  P450,000.00. Sa mga may antas na sahod ng salary grade 17 pababa naman ay maaaring mabigyan ng loan na walong buwan ng kanilang gross pay ngunit hindi hihigit sa  P220,000.00. Samantala sa mga elected officials at co-terminus appointees, maaari silang makakuha ng loan assistance katumbas ng walong buwang gross pay ngunit hindi hihigit sa P500,000.00.
Ang kwalipikadong mabibigyan ng loan ay ang mga opisyales at empleyado na walang kasong administratibo, may edad 18-64 taong gulang at hindi pa nagpapahayag ng balaking magretiro o kayaý hindi pa magreretiro, may net take home pay na P4,000.00 at may Land Bank ATM payroll account sa servicing bank kung saan idedeposito ang aprubadong halaga ng hihiramin. Kinakailangan din ang co-maker na empleyado rin ng Pamahalaang Panlalawigan na may kaparehong rangko o salary grade ng uutang, may net take home pay na P4,000.00 at hindi naging co-maker ng higit sa dalawang empleyadong nakautang sa parehong loan assistance. Sa mga empleyadong may existing loan sa naturang bangko, maaari pa rin silang makakuha basta regular ang pagbabayad ng amortization ng kanilang existing loan.

Ang nasabing loan ay babayaran  buwan-buwan sa loob ng 12 hanggang 36 buwan na may fixed interest rate na 12% per annum. Ito ay ikakaltas sa buwanang sahod hanggang makompleto ang bayad.

Mairerenew lamang ito kapag nakabayad na ng 12 amortization payments o pagkatapos mabayaran ang nakuhang loan. Sa mga elected officials, ang termino ng loan ay hindi dapat lalagpas ng tatlong buwan bago matapos ang kanilang panunungkulan.

Ang naturang resolusyon ay ipinadala na sa tanggapan ng ehekutibo ng Cagayan para sa kanyang kaukulang aksyon.

PANGANGALAGA AT PAGBABANTAY SA LIKAS NA YAMAN

by: Jaydy A. Mascariñas, SPES

Isa sa mga prayoridad na programa at aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay  ang pangangalaga at pagbabantay sa likas yaman sa nasasakupan nito.  Kung kaya’t nagpalabas ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gob. Alvaro T. Antonio ng executive order na naglalayong magtatag ng Provincial Government Natural Resources Monitoring Center.  Ito rin ay isang aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa patuloy na ilegal na gawain at aktibidad ng ating kababayan na siyang sumisira sa kapaligiran.  Bukod pa rito, pinatitibay nito ang Provincial Orinance No. 03-2005, “An Ordinance establishing Specific Environment Management Policies and prescribing Quality Management Standards: Providing rules for the implementation and administration thereof and prescribing for penalties of its provisions.” Dagdag pa ang patuloy na pagtupad ng Pamahalaang Panlalawigan sa mandato nitong pakikipagtulungan sa gobyerno nasyonal sa pangangalaga sa kalikasan.

Ang nasabing executive order ay pamumunuan ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa nasabing executive order, magtatalaga ng mga Monitoring Center Personnel na manggagaling sa PNREO. Sila ay itatalaga sa walong Natural Resources Monitoring Center sa mga bayan ng Gonzaga, Pamplona, Camalaniugan, Sta. Ana, Magapit Lal-lo, Peñablanca, Tuguegarao City at Sta. Praxedes sa prubinsya ng Cagayan.

Tungkulin ng mga Monitoring Center Personnel na bantayan ang pagdadala ng flora at fauna at mineral resources kabilang ang mga kaukulang rekisito at dokumento ng pagtatransport sa mga ito. Ang sinumang mahuling lumabag ay sasampahan ng kaukulang kaso.

Sa programang pangkalikasang ito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ang DENR ay nagkaisa upang mapangalagaan ang mga likas na yaman ng Cagayan.

PAG-INIT NG DAIGDIG

Ang pag-init ng daigdig o Global Warming sa Ingles ay tumutukoy sa naranasang pagtaas ng katamtamang temperatura ng himpapawid at mga karagatan sa mundo nitong mga nakaraang dekada. Ayon sa siyentipikong opinyon, “ang naranasang pag-init nitong huling 50 taon ay gawa ng tao”. Ang pagtaas ng antas ng carbon dioxide (CO2) at iba pang mga greenhouse gases na resulta ng pagsunog ng produkto mula sa petrolyong langis, pagpapanot ng kagubatan, pagsasaka at iba pang kagagawan ng tao ang mga pangunahing sanhi ng pag-init ng mundo.

Nagpapakita sa mga pagmamatyag na pag-aaral at ng mga modelong pangklima na ang pagkasensitibo ng klima upang madoble ang antas ng CO2 ay mangyayari kapag tumaas ng 1.5-4.5°C ang katamtamang temperatura. Ang mga modelong basehan ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ay humuhula na ang pandaigdigang temperatura ay tataas sa pagitan ng 1.4 at 5.8°C (2.5 hanggang 10.5°F) mula taong 1990 hanggang 2100.

Sinasabing ang pagtaas sa pandaigdigang temperatura ay magdudulot ng malaking pagbabago kasama rito ang pagtaas ng karaniwang taas ng dagat at pagbabago sa dami ng mga pag-ulan. Ang mga pagbabagong ito ay sinasabing magpaparami sa dalas at lakas ng mga mapanirang kalagayan ng panahon tulad ng baha, tagtuyot, bugso ng init (heat waves), bagyo at buhawi. Sinasabing ang pag-init ay makaaapekto sa bilang at tindi ng mga ito. Mahirap na iakibat ito sa partikular na kalagayan ng panahon sa pag-init ng mundo. Gayunman, ang mga pag-aaral ay nakatuon sa panahon hanggang taong 2100 na ang pag-init (at pagtaas ng pantay laot mula sa pag-aalsang dulot ng init) ay patuloy na mangyayari dahil sa ang CO2 ay may mahabang buhay sa himpapawid.

May maliit na bilang na mga siyentipiko ang laban sa pananaw na ang gawa ng tao ang nagdudulot ng malaki sa pagtaas sa temperatura nitong nakaraang panahon. Gayundin, walang katiyakan ang nakapalibot dito kung gaanong kalaking pagbabago sa panahon ang makikita sa darating na araw. May mainit na debateng politikal at publiko kung paano mapabababa o mababaliktad ang pag-init sa darating na panahon at kung paano haharapin ang mga bunga nito.

Ang katagang “global warming” (pag-init ng mundo) ay isang tiyak na dulot ng mas malawak na katagang “climate change” (pagbabago sa klima) (na tumutukoy din sa paglamig tulad ng nangyari noong Edad Yelo). Sa prinsipyo nito, nyutral ang global warming sa dahilan nito ngunit sa karaniwang gamit, kalimitang pinahihiwatig na may papel ang tao sa pag-init ng mundo. Gayunman, ginagamit ang ‘climate change’ ng UNFCCC sa pagbabagong gawa ng tao, at ‘climate variability’ (pagbago-bago ng klima) na dulot ng ibang kadahilanan. Ang ilang organisasyon ay gumagamit ng katagang ‘anthropogenic climate change’ sa pagbabagong dulot ng tao.

Source: Tl.wikipedia.org/wiki/pag-init_ng_daigdig

 
Leave a comment

Posted by on May 19, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: