RSS

People’s Action News (SPES Edition) (05/19/2014)

26 May

PAC Pebrero 3 2014

Napakalaking tulong sa aming mga kabataang Cagayano ang Special Program for Employment of Students ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE). Bukod sa tulong pinansyal na matatanggap na siyang magagamit upang masustena ang aming mga pangangailangan sa susunod na pasukan, naibahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ang paggampan ng tunay na serbisyo publiko sa kapwa Cagayano na walang hinihintay na kapalit. Naranasan namin kung paano ang maging isang empleyado na siyang nakikinig at tumutugon sa totoong pangangailangan ng aming kapwa. Nahubog at napaunlad ang aming abilidad at kakayanan dahil sa bago at kakaibang karanasan na natutunan sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Dagdag pa ang mga bagong kaibigan at kasama na siya naming naging gabay at kasangga sa paggampan ng aming nakatalagang tungkulin. Natuto rin kaming gamitin ang diskarte sa pagtupad ng aming tungkulin at responsibilidad.

At upang lalong mahasa ang aming kaalaman, kami ay naitalaga sa iba’t ibang opisina ng Pamahalaang Panlalawigan tulad ng People’s Action Center (PAC), Provincial Information Office (PIO),  Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Office (PCCDRRMO), Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO), Provincial Library (Cagayan Learning Resource Center) at Cagayan Sports Complex.

“Sila ay naitalaga sa mga nasabing opisina batay sa kanilang abilidad at kakayanan at base na rin ito sa pangangailangan ng mga opisina”, pahayag ni Jeanie T. Magday, SPES Coordinator.

Sa mga trabahong aming ginagampanan na base sa mandato ng mga opisinang napasukan, naisapraktika ang mga teoryang aming natutunan na base sa aming kurso. Lalo pa naming naiintindihan ang mga aralin na itinuturo ng aming mga guro. Dahil dito, lalo naming natutunang mahalin ang kursong kasalukuyang pinag-aaralan. Sa katunayan, nakita namin ang importansya ng pag-aaral nang mabuti upang magampanan ang nakatalagang tungkulin. Kasama rin sa aming mga natutunan ang pagkakaroon ng disiplina tulad ng pagpasok sa tamang oras, pagrespeto sa nakakatandang empleyado, pakikinig sa ideya ng iba at pagsunod sa tungkuling ibinibigay ng mga tagapangasiwa ng mga opisina.

Katulad sa mensahe ni Cristina I. Antonio, tagapagtaguyod ng PAC, na hindi lamang matutulungan ng gobyerno sa pinansyal na aspeto ang mga kabataang kabilang sa SPES, kundi matuturuan silang pagandahin at pangalagaan ang kapaligiran at magiging katuwang sila ng Pamahalaang Panlalawigan sa serbisyo publiko.

Dagdag pa ang mensahe ni Gob. Antonio na pahalagahan ng mga kabataan ang oportunidad na ito upang makatulong sa kanilang sarili at magulang.Ayon pa sa kanya, kung nais ng isang tao na mapabuti at mapaganda ang kanyang kinabukasan, dapat niyang ibigay ang lahat ng kanyang makakaya at kailangang sumunod sa mga alituntunin upang walang maging problema.

Ilan lamang ito sa mga naging inspirasyon namin upang magampanan nang mabuti at makabuluhan ang trabahong sa amin ay nakaatas. Dito rin namin lalong naintindihan ang adhikaing nais iparating ng Pamahalaang Panlalawigan, ang pagkakaroon ng pagkakaisa, pakikilahok, pakikipagsalubungan ng gobyerno at mismong mga Cagayano, sa anumang sektor na kinabibilangan, sa pag-abot ng pag-unlad, pag-asenso at pagkakaroon ng makabuluhang pagbabago. Iyan ang Gobyerno ti Umili (GTU) na magiging gabay namin pagdating ng mga panahon at pagkakataong kinakailangan ang serbisyong tunay na may epekto sa buhay ng aming kapwa Cagayano.

 

by: J.C. Salvio, F.K. Tenay, J. Mascariñas, SPES

SPES-ANG NAIDULOT NITO SA AMING MGA KABATAANG CAGAYANO

by:John Michael M. Bassig, Daisy L. Gannaban, SPEScollage

Ang Special Program for Employment of Students ( SPES ) na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ng Department of Labor and Employment ang pinakaka abangan namin tuwing bakasyon. Layon ng programang ito na hubugin ang kakayahan at linangin ang kaalaman ng mga estudyante na pasado sa mga alituntunin isinasaalang-alang upang makatulong sa mga estudyante sa darating na pasukan at maranasan ng bawat kalahok ang tinatawag nilang serbisyo publiko.

Sa loob ng dalawampung araw ng aming paninilbihan ay naging bahagi kami sa pagsulong ng mga programa na ika-uunlad ng ating prubinsya sa pamamagitan nito ay natutunan namin ang importansya ng paglilingkod ng buong puso, sa kabilang dako ay napabubuti rin namin ang pakikikapwa-tao sa pagkilala ng aming mga kapwa SPES, iba’t ibang istorya, iba’t ibang pinagmulan ngunit pare-parehong estado. Ngunit ang SPES ay hindi lamang puro trabaho bagkus nakapagdulot rin ng kasiyahan, sa bawat pagkakataong kami ay nagsasalo-salo, nagkakantahan, biruan at pakikipag-kapatid. Ang SPES ika nga nila, “ALL IN ONE PACKAGE.”

Sa paglipas ng mga araw, naitatak sa aming mga diwa na ang araw-araw na aming pagpasok sa pintuan ng Kapitolyo ay hindi lamang dahil sa mga benepisyo na aming matatanggap, bagamat isa ito sa kadahilanan ng aming pamamasukan. Aming napagtanto na sa suportang ibinibigay sa amin, kalakip nito ang responsibilidad na maibalik ang suportang ito sa ibang tao na nangangailangan ng aming serbisyo.

Tunay nga ang sinabi ni Gob. Antonio, kailangan naming pahalagahan ang pagkakataong ibinibigay sa amin. Masasabi naming kami ay pinagpala, sa bawat karanasan at aral na humubog at patuloy na humuhubong sa amin upang maging isang mabuting Kabataang Cagayano. Matapos man ang SPES ngayon taon, patuloy parin ang aming serbisyo para sa hinahangad na kaunlaran ng Prubinsya ng Cagayan.

fancy-line-hi

Bakasyon, ito ang hinihintay ng marami. Dahil ito ang araw na pwede silang mamasyal sa iba’t ibang lugar upang makapagpahinga.

Ngunit hindi ko sinasayang ang aking bakasyon upang gamitin sa pamamasyal. Kaya nagbakasakali akong makukuha ng summer job sa capitol, at ako ay nakuha. Noong una ay hindi ko alam ang aking gagawin ngunit hindi nagtagal ako ay unti-unting natuto at marami akong nakilalang bagong mga kaibigan na mababait may mas matanda at mas bata sa akin. Dito rin akong natutong makisama, makipagkaibigan at makipagtulungan sa aming mga gawain. Sobrang laki ng pasasalamat ko sa programang ito, dahil makakatulong ako sa aking pamilya sa pamamagitan ng pagbili ng aking mga gagamitin sa darating na pasukan at ang matitira ay ibibigay ko sa aking magulang .

Leonard Bumagat, SPES

fancy-line-hi

Nang ako ay pumasok sa programang ito, natuto akong makisalamuha sa aking mga kapwa SPES, nagkaroon din ako ng mga karanasan sa loob ng opisina kung ano ang mga gawain sa loob ng opisina. Lubos ang aking pasasalamat dahil natanggap ako sa trabahong ito na labis akong natulungan at higit sa lahat ako’y natuto.

Robert Cuarteros Jr. , SPES

fancy-line-hi

Ako’y lubos na nagpapasalamat sa oportunidad na ibinigay ng Gobyerno ti Umili. Ito ay isang malaking karangalan na aking papahalagahan, nagkaroon ako ng maraming karanasan sa pagpasok sa trabahong ito. Malaki ang naitulong ng programang ito sa aking buhay. Natuto rin akong makisalamuha sa aking mga katrabaho.

Christian Rumusud, SPES

fancy-line-hi

Bilang isa sa mga SPES, ay madami akong natutunang mga bagong bagay at kaalaman at mas napaigi at napamalas ko ang aming natatagong talento at kakayahan, natuto rin kami kung paano makisama sa mga kababayan nating Cagayano na nakatira sa malayong lugar upang tulungan sila sa mga problema nila sa kanilang mga proyekto, gayundin na solusyonan ang kanilang mga problema at alamin ang mga gusto nilang mithiin patungkol sa Pamahalaan.

Nagpapasalamat ako ng marami dahil sa kadahilanan ako’y nakipagsapalaran sa inyong programa at mapalad na napili at salamat rin sa pagtitiwala na ibinigay niyo sa amin habang kami’y nagtatrabaho sa inyo. Tatanawin po naming utang na loob ang ibinigay ninyong tulong sa amin at ipamamahagi sa iba kung gaano kahalaga ang trabaho  na naipapakita ng pamahalaan para sa mga nasasakupan nito.

Regine Gacias, SPES

fancy-line-hi

Nung una sahod lang ang habol ko pero ng nagdaan ang mga araw natutunan ko na hindi lamang pera ang ibinibigay ng programang ito sakin, kundi natutunan ko rin kung paano magpahalaga ng oras, maging responsible sa lahat ng bagay lalo na sa ibinibigay na gawain, at kung paano makisama sa mga taong makakasalamuha. Sa programang ito hindi lang bagong kaalaman ang aking nakuha sa programang ito kundi mga bagong kaibigan na maaasahan.

At tinulungan kaming mga estudyante na linangin ang aming mga kaalaman upang magamit namin ito kapag kami ay nagkatrabaho. Maraming salamat sa ating gobyerno. Mabuhay ang Kabataang Cagayano!

John Paul Ong, SPES

fancy-line-hi

Mahal kong Gobernador,

Magandang araw po sa inyo, Nais ko pong ipaabot ang aking taos pusong pasasalamat sa ipinagkaloob mo sa aming pagkakataon upang makatulong sa aming mga magulang at para rin po matulungan ang aming sarili upang matugunan ang aming mga pangangailangan, lalo na po sa aming pag-aaral.

Napakalaking tulong po ang inyong inilunsad na programa para sa aming mga kabataaan. Isang karangalan po para as akin ang mapabilang sa masuwerteng estudyante na nabigyan ng pagkakataong magsilbi sa ating mahal na prubinsya. Sa programang ito(SPES), hindi lamang tulong na pinansyal ang aming makakamit, kundi isang karanasan na maaari naming dalhin upang makatulong sa paghubog ng aming sarili sa kinabukasan.

Karanasang magbibigay sa amin ng ideya kung paano at anu-ano ang mga bagay na ginagawa sa iba’t ibang sangay ng kapitolyo. Sa araw-araw ko pong pagpasok bilang isa sa mga estudyante na kasali sa programang ito, unti-unti ko pong natutunan ang mga bagay-bagay, mga bagay na unti-unting nagbubukas sa aking isipan na ang pagtatrabaho ay hindi lamang para sa benepisyong pinansyal na makukuha kundi ang pagtatrabaho ng masaya, may dedikasyon, taos puso, at responsable sa mga gawain, ay isang bagay na hinding-hindi matutumbasan ng anumang bagay, dahil ang mga ito ay makakatulong ng malaki kung sakali mang mabiyayaan ulit ako ng Panginoon ng isang mas malaking oportunidad.

Sana po ay magtagal pa ang programang ito. At sana po ay mas marami pa kayong matulungang kabataan sa pamamagitan ng mga programang inyong inilunsad. Muli po, maraming maraming salamat po. Naway pagpalain kayo ng Diyos upang lalo pang makatulong sa nakararami.

Lubos na Gumagalang,
Rachel Karen M. Luciana, SPES

fancy-line-hi

 

 
Leave a comment

Posted by on May 26, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: