RSS

People’s Action News (05/26/2014)

02 Jun
PAC Pebrero 3 2014

Magasasakang Cagayano

Dalawang magsasaka at isang grupo ng magsasaka ang nakapasok bilang finalists sa ebalwasyon ng National Gawad Saka Search. Ito ay ipinahayag kamakailan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA).

Ang dalawang magsasaka na nakapasok sa lebel ng nasyonal ay sina Eddie C. Carpio para sa Outstanding Sugarcane Farmer at si Ma. Isabel L. Pagulayan para sa Outstanding High Value Commercial Crop Farmer o HVCC, parehong residente ng Solana, Cagayan.

Sa group category naman, nakapasok bilang finalist ang MFARMC Gozaga para sa Outstanding Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council.

Ayon sa OPA, siyam (9) ang panalo ng Cagayan sa Regional Gawad Saka evaluation na unang ginawa noong unang kwarter ng taon. Sa kasalukuyan, tatlo pa lamang ang nasuri ng mga National Evaluators mula sa Department of Agriculture na siyang kwalipikado para sa nasyonal. Pag-aaralan pa kung ang natitirang anim na panalo ng Cagayan sa regional evaluation ay makakasama bilang mga finalists sa nasyonal.

Ang ilan sa mga nanalo sa Regional Gawad Saka evaluation sa Individual Category ay sina Edwin Piano ng Gonzaga para sa Outstanding Fisherfolks (Fish Capture), Rovelle P. Mendoza ng Claveria para sa Outstanding Young Farmer, Evelyn Amen ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa Outstanding Agricultural Researcher at si Amor Salvanera ng Gonzaga para sa Outstanding Coconut Farmer.

Sa Group Category naman, nanalo sina Modesto Pattung at ang kanyang pamilya mula sa bayan ng Alcala para sa Outstanding Farm Family at ang Nature Friendly 4H Club ng Amulung para sa Outstanding Young Farmer Organization.

Noong nakaraang taon, panalo ang Cagayan ng limang awards sa National Gawad Saka. Ang mga ito ay ang Outstanding Agri-entrepreneur, Outstanding Fisherfolks, Outstanding Young Farmer/Fisherfolk Organization, Outstanding Provincial Agricultural and Fishery Council o PAFC at Outstanding Fisheries and Aquatic Resources Management.

ATLETA SA PHILIPPINE NATIONAL GAMES, NAG-UWI NG MEDALYA

Sa pagsabak ng mga atletang Cagayano sa ginanap na Philippine National Games noong Mayo 16-25, 2014 sa Metro Manila, anim na medalya ang nasungkit ng Cagayan. Ito ay patunay na naipapamalas na ng mga Cagayano sa buong bansa ang kanilang galing at kakayanan sa larangan ng sports.

Ang mga nabigyan ng parangal ay sina Angie C. Dayag, gold medalist sa light weight division-Taekwondo, Earl Dominic Guzman, silver medalist sa welter weight division-Taekwondo at Camille Ann Guiyab, bronze medalist sa bantam weight division-Taekwondo. Sa Athletics naman, nakakuha si Ro Ann Joy Mercado ng bronze medal sa Javelin Women Jr. at Lorelaine A. Hidalgo na nakakuha ng silver medal para sa Shot Put Women Jr.  Nanalo rin ang Cagayan Lady Rising Suns ng bronze medal sa Volleyball Women Division.

Sa nasabing palaro, muling binigay ng Pamahalaang Panlalawigan ang suporta nito sa mga atletang sumali. Kabilang ang pagbigay ng tulong pinansyal para sa kanilang pagsasanay, uniporme, pamasahe, at competition allowance. Kasama rin sa ayudang binigay ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagbibigay sa mga atleta ng mga kagamitang kanilang nagamit sa palaro.

Tunay ngang umaangat ang mga Cagayano sa larangan ng sports, hindi lamang sa lokal na lebel kundi pati sa nasyonal.


TAUNANG EBALWASYON SA NUTRISYON, ISINAGAWA

Isinagawa ang taunang ebalwasyon sa nutrisyon upang matukoy ang Green Banner Awardee at Outstanding Barangay Nutrition Scholar  (BNS) para sa taong 2013. Ito ay isinasagawa  sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan.

Sinimulan ang ebalwasyon noong May 6, 2014 kung saan binisita ng mga miyembro ng Provincial Evaluation Team (PET) ng Provincial Nutrition Committee (PNC) ng Cagayan ang sampung nangungunang bayan. Ang mga bayang lalahok para sa Green Banner Award ay Peñablanca, Iguig, Aparri, Claveria, Tuao, Allacapan, Amulung, Abulug, Ballesteros at Gattaran.

Samantala, lumahok naman sa Search for Outstanding BNS ay sila Elisa Narag ng Barangay Centro, Lal-lo; Leticia Dayag ng Barangay Calamagui, Amulung; at Juliet Nicolas ng Barangay Plaza, Aparri.

Ayon kay Dr. Carlos D. Cortina III, Provincial Nutrition Action Officer, isinasagawa ng PNC ang taunang ebalwasyon upang masubaybayan ang implementasyon ng mga programang pangnutrisyon na nakakatulong sa pagpapababa ng mga kaso ng malnutrisyon sa prubinsya.

Ang mga ahensiyang kasama sa ebalwasyon ay ang Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Budget Office, Provincial Planning and Development Office, Provincial Veterinary Office, Department of Education at ang Provincial Health Office.

Pagkatapos ng ebalwasyon  magsasagawa ng deliberation ang mga miyembro ng PET hinggil sa mga nakalap na datos mula sa dalawang linggong pag-iikot.

Sa kabilang dako, lumahok naman ang bayan ng Lallo sa Search for Nutrition Honor Award (NHA) na isinasagawa ng National Nutrition Council (NNC). Ang Lal-lo ay Green Banner Awardee mula taong 2007 at naging Consistent Regional Outstanding Winner in Nutrition (CROWN) naman mula taong 2010.

Ang bayan naman ng Solana ay nakamit na ang NHA noong 1990. Sa kasalukuyan, minimintine ng Solana ang nasabing award mula sa NNC kung kaya’t sinusubaybayan pa rin ng PNC ang patuloy na implementasyon ng mga programang nutrisyon sa bayang nabanggit.


PPMIU, MAOS AT DAIRY FARMERS SA CAGAYAN, NAGPULONG

Nagpulong kamakailan ang Provincial Program Management and Implementing Unit or PPMIU ng Philippine Rural Development Program (PRDP) sa Cagayan kasama ang mga Municipal Agriculturists at dairy entrepreneurs ng 13 bayan para sa pagpapatuloy  ng mga plano na isusumite sa World Bank.

Ang mga bayan na ito ay  Enrile, Alcala, Piat, Solana, Gattaran, Iguig, Baggao, Peñablanca, Tuguegarao, Lal-lo, Tuao, Sto. Niño at Amulung. Ito ang mga napiling bayan para sa dairy milk processing enterprise na isinulong ng prubinsya bilang pangunahing proyekto.

Pinangunahan ni Mildred Abella, Provincial Agriculturist at pinuno ng PPMIU ang nasabing pagpupulong. Ang pagpupulong ay naging daan para sa pagsasagawa ng susunod na hakbang matapos ang pagkakalap ng mga impormasyon sa dairy farmers at cooperatives na una nang isinagawa sa pamamagitan ng survey na pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist at Provincial Veterinary Office.

Pagkatapos ng lecture ni Elvira Alan (ang consultant ng prubinsya sa PRDP) sa I-REAP o Investment in Rural Enterprise and Agri-fishery Production Component ng PRDP, nagsagawa ng consolidation ng mga Municipal Agricultural Office (MAO) at mga dairy farmers sa datos na nakalap nila. Sinabi ni Alan na mahalaga na mailatag nang maayos ang mga datos na ito upang makausad na ang prubinsya sa pagsasagawa ng feasibility study at ng business plan na mahalaga para sa pagpopondo ng World Bank sa commodity project.

Sinabi naman ni Abella na makikipagpulong ang prubinsya sa Department of Agriculture Region 02 sa mga susunod na araw para sa pag-uumpisa ng feasibility study at business plan. “Dalawang lebel na lang ang ating tatahakin bago natin magawa ang feasibility study ng ating enterprise. Uumpisahan na rin natin ang pagtitingin sa specific na business na isasagawa ng prubinsiya sa larangan ng dairy processing,” dagdag ni Abella.

Kasama rin sa pagpupulong sina Dr. Jaime Guillermo, Provincial Veterinarian at ang ilang mga empleyado ng Provincial Veterinary Office, Office of the Provincial Agriculturist at ilang mga PPMIU members.

Isasagawa na rin ang kompirmasyon ng proponent group at ang pagpili ng business enterprise sa dairy industry ng Cagayan

ANO ANG SAKIT NA TUBERCULOSIS

Ang tuberculosis (TB) ay isang nakakahawang sakit na dulot ng Mycobacterium tuberculosis o tubercle bacilli. Karaniwang naapektuhan ng sakit na ito ang baga o ang tinatawag na Pulmonary tuberculosis. Maaari rin na maapektuhan ang ibang parte ng katawan ng tao, tulad ng buto, bituka, atay, kidney, puso at iba pang parte ng katawan o tinatawag na Extra-pulmonary tuberculosis.

Paano nakukuha ang sakit na tuberculosis? Ito ay sa pamamagitan ng:
•   Paglanghap ng bakterya na galing sa
pagbahing, pag-ubo at pag-dura  ng taong
may tuberculosis lalo na kung nasa isang
kulob o masikip na lugar at mahina ang
bentilasyon

•   Maaari ring makakahawa ng 10-20 tao sa loob
ng isang taon na tumatagal hanggang
dalawang taon ang isang taong may
pulmonary tuberculosis na positive ang
resulta ng dura o sputum na hindi pa
nabibigyan ng anti-tuberculosis  drug.

Ang sputum exam o pagpapasuri ng plema ang pinakamabisang paraan sa pagsuri ng TB. May mga ibang sakit, liban sa TB ang maaaring makita sa x-ray exam, ang mga bukol na nakikita sa x-ray exam ay hindi laging nangangahulugan na ito ay TB.

Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng tuberculosis ay ang pag-ubo ng dalawang lingo o higit pa, pagkakaroon ng lagnat at labis na pagpapawis sa gabi, pagsakit ng dibdib o likod na hindi naiuugnay sa iba pang sakit, pagbaba ng timbang, paghalo ng dugo sa plema o ang pag-ubo ng dugo.

Kahit sino ay pwedeng magkasakit ng TB, lalo na yung mga mabababa ang resistensiya dahil sa malnutrisyon, HIV/AIDS, diabetes at cancer. Maaring magka-TB muli ang isang taong nagamot na kung mahina ang kanyang resistansya.

Nagagamot ang tuberculosis kung iniinom ng regular ang anti-tuberculosis drug, tama ang bilang ng gamot na iniinom   at tama ang  tagal ng pag-inom ng gamot. Iniinom ang anti-tuberculosis drug sa loob ng anim (6) hanggang walong (8)  buwan at maaaring makuha ng libre sa pinakamalapit na DOTS Center

Kung ang isang taong may tuberculosis ay hindi iniinom ng regular ang mga gamot o ito ay kanyang itinigil, siya ay magkakaroon ng Multi-Drug Resistant TB (MDR-TB). Ibig sabihin nito ay hindi na siya maaari pang magamot ng first-line drug at ipagpapatuloy pa nila ang paghawa sa kanilang komunidad. Siya na ngayon ay gagamit ng second-line anti-TB drug na mas mahal, mas maraming mararamdamang epekto at tatagal ang gamutan ng labing-walong (18) buwan hanggang dalawang (2) taon.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 
Leave a comment

Posted by on June 2, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: