RSS

People’s Action News (06/09/2014)

16 Jun

PAC Pebrero 3 2014

Ang taunang pagharap ng prubinsya ng Cagayan sa mga sakuna at kalamidad ang nagiging prayoridad na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Kinakailangang paghandaan ang ganitong mga panahon upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan nito.

Kabilang dito ang paglalaan ng pondo para sa mga programa at proyektong pangkalamidad tulad ng disaster preparedness awareness plans at ang pagbibigay ng kagyat na tulong sa mga masasanlanta ng anumang darating na kalamidad at sakuna.

“Simula Enero hanggang Hunyo ay ang panahon ng disaster preparedness awareness upang ihanda ang mga mamamayan sa mga sakunang darating. Nariyan ang paghahanda sa mga iba’t ibang munisipyo at barangay upang magkaroon ng disaster-resilient na mga komunidad. Patuloy din ang kolaborasyon sa mga iba’t ibang ahensya, gobyerno man o pribado, upang magkaroon ng pagkakaisa at pagtutulungan sa paghahanda at sa mismong panahon ng unos at sakuna,” pahayag ni Bonifacio Cuarteros, tagapangasiwa ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Office o PCCDRRMO.

Ngayong panahon na naman ng tag-ulan at bagyo na kadalasang nagdudulot ng pagbaha, landslide at malaking pinsala lalo sa mga bulnerableng lugar sa ating prubinsya, minabuti ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang patuloy na pagpapaunlad ng mga kagamitan at pasilidad pangkalamidad, patuloy ang pagsasanay at pagbibigay dagdag kaalaman sa mga rescuers at volunteers at napapalawig ang pagkalap at pagpapalaganap ng mga impormasyon at pagbibigay edukasyon sa mga mamamayan patungkol sa mga darating na bagyo at kalamidad, kung paano ito paghandaan at kung anong ahensya ang unang lalapitan sa panahon ng unos. Nabigyan halaga rin ang mga programang mitigasyon at rehabilitasyon, paglilinis sa kapaligiran at pag-aalaga at pagproprotekta sa kalikasan na siyang matagarang solusyon pagdating sa kalamidad. Ito ay upang siguruhin na ang bawat Cagayano ay ligtas at handa sa panahon ng kalamidad.

Patuloy din ang pagtulong at pagbibigay ng suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa siyudad, mga munisipyo at barangay na nasasakupan nito. Kasama ang pagtatayo ng mga evacuation centers upang masiguro ang kaligtasan ng mga Cagayano sa panahon ng unos at sakuna.

Ang kaligtasan ng mga Cagayano ang siyang pinakamahalaga at pangunahing isinaalang-alang ng Pamahalaang Panlalawigan. Mithiin nito na maipagpapatuloy ang “zero casualty” sa mga darating pang kalamidad. Ang adhikaing ito ay hindi kayang mapagtagumpayan kung walang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat Cagayano. Ito ay ayon kay Gobernador Alvaro T. Antonio na siya ring Chairman ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Council o PCCDRRMC. Dagdag pa niya na handa at may kakayanan ang prubinsya na tutugon sa anumang sakuna, unos at kalamidad na tatama sa ating prubinsya.

Adbokasiya sa ManCHaN, patuloy

Tuluy-tuloy ang ginagawang  adbokasiya ng Provincial Health Office (PHO) hinggil sa programang nauukol sa Mother and Child Health and Nutrition (ManCHaN) dito sa prubinsya.

Kasalukuyan ngayong isinasagawa ang pag-iikot sa iba’t ibang mga bayan upang magsagawa ng ‘data quality check’ hinggil sa ‘facility based delivery’, skilled birth attendance at iba pang mga health indicators.

Nabatid kay Lei Calimaran, Program Coordinator ng ManCHaN, patuloy nilang pinupuntahan ang bawat munisipalidad upang tiyakin na tama ang mga datos na naitala mula sa lebel ng barangay.
Sinabi rin ni Calimaran na layunin ng programang ito na matutukan ang mga datos na nakalap ng mga health workers at mabigyan ng mga updates sa mga alituntuning inilatag ng Department of Health sa nasabing programa.

“Ang mga indicators na gaya ng facility based delivery at skilled birth attendance ay binibigyang halaga upang matiyak na lahat ng mga nagdadalang tao ay manganganak sa mga birthing centers sa kani-kanilang mga lugar at hindi sa kanilang mga tahanan.  Kailangan ding may mga nakaalalay sa kanila upang sa pamamagitan nito ay mababawasan ang mga kaso ng pagkamatay at pagkakaroon ng mga kumplikasyon sa mga sanggol,” dagdag pa ni Calimaran.

Nakaalalay din ang PHO sa mga local health board sa bawat munisipyo na wala pang ordinansa na nagbabawal ng panganganak sa bahay upang magpasa ng ordinansa hinggil dito.

Sa kasalukuyan ay sumasailalim sa mga pagsasanay ang bawat grupo para sa Basic Emergency Obstretric Newborn Care o BEMONC upang magkaroon ng mga ‘trained and skilled’ na mga health workers na mag-aasist sa mga inang manganganak.  Tinitiyak din ng PHO na kumpleto ang mga gamit at mga equipment sa mga birthing centers at ang maternal care package sa pamamagitan ng pag-eenrol sa Philhealth.

431st AGGAO NAC CAGAYAN

Cagayan, Egga ca la ta futu nga idedukan… Sa darating na Hunyo 23 – 29, 2014 ay gaganapin ang taunang selebrasyon ng araw ng mga Cagayano, ang Aggao Nac Cagayan. Ito ay ang ika-431st founding anniversary ng ating pinakamamahal na prubinsya.

Sa nasabing selebrasyon, gaganapin ang mga iba’t ibang programa at aktibidad na siyang magtatanghal, magpapakilala at magpapakita ng mga produkto at kultura na maaaring maipagmamalaki ng mga Cagayano. Kinabibilangan ito ng Trade Fair na siyang magpapakita ng mga produktong gawa ng Cagayano at mga magagandang lugar pasyalan sa ating prubinsya.

Isa ring aktibidad sa nasabing selebrasyon ang search for Binibining Cagayan 2014 na magpapakilala sa angking galing, ganda at talino ng mga Cagayana.

Magkakaroon din ng Summit patungkol sa pagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon at edukasyon sa mga Cagayano sa pagharap sa unos, sakuna at kalamidad. Ito ay isinasagawa upang ihanda ang mga Cagayano sa mga posibleng darating na sakuna at masiguro ang kanilang kaligtasan.

Sa unang araw din ng selebrasyon ay gaganapin ang inagurasyon ng bagong napaunlad na track oval sa Cagayan Sports Complex. Ito ay nagpapakita ng patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa larangan ng sports.

Marami pang mga nakaplanong aktibidad para sa isang linggong  selelebrasyon ng Aggao nac Cagayan na tunay na magbibigay ng saya at aliw sa ating lahat.

Kumain ng Almusal: Para Tumalino at Lumakas

Ayon sa kasabihan, “Ang almusal ang pinakamahalagang pagkain natin sa buong araw.” Tama po itong paniniwala. Kahit alam kong marami sa atin ang hindi kumakain sa umaga, dapat pa rin natin ipaalala ang kahalagahan nito.

Ito ang mga benepisyo ng pagkain ng almusal:

1.  Para lumakas – Parang kotse na kulang sa gasolina, ang ating katawan ay manghihina kapag wala tayong pagkain. Kailangan ng utak natin ang pagkain para gumana. Tandaan natin na halos 10 oras nang walang laman ang ating tiyan pagdating ng umaga. Kaya dapat lang na lagyan ng pagkain o enerhiya sa umaga.

2.  Para tumalino ang bata – Ang mga batang kumakain ng almusal ay nakakakuha ng mas mataas na grado sa eskuwelahan kumpara sa mga batang gutom. Mas alerto, matalino, at mabilis sumagot ang mga batang busog, kumpara sa hindi nag-almusal. Bigyan lamang ng masustansyang almusal ang mga bata tulad ng itlog, gulay, isda, kanin, gatas, yogurt o cereals.

3.  Para masigla sa trabaho – Tulad ng mga bata, ang mga matatandang hindi kumakain ng almusal ay hirap mag-concentrate o mag-focus sa trabaho. Pag dating ng alas-10 ng umaga ay parang balisa na sila. Wala nang sigla. Ito’y dahil naghahanap na ng pagkain ang katawan. Kaya para hindi aantok-antok at hindi mapagalitan sa trabaho, kumain ng almusal.

4.  Para hindi magka-ulcer – Ang mga taong madalas malipasan sa pagkain ay maaaring magkaroon ng ulcer o pananakit ng tiyan. Para makaiwas dito, kailangan tayong kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw. Kumain ng 5 hanggang 6 na beses sa isang araw, pero konti lang. Mas hindi mahihirapan ang iyong tiyan sa pagtunaw nito at mapapanatili pang tuloy-tuloy ang daloy ng lakas sa iyong katawan.

5.  Hindi nakatataba ang pagkain ng almusal – May maling paniniwala na papayat ka kapag hindi ka nag-almusal. Sa katunayan, lalo ka pang tataba kapag hindi ka nag-almusal! Bakit po? Ang mga taong hindi nag-almusal ay mas gutom sa tanghalian, kaya siguradong mapaparami ang kanilang makakain. At mas kukuha ka ng sobrang daming kanin, ulam at panghimagas. Mahirap ding pumili ng masustansyang pagkain kapag gutom na gutom ka na.

Kaya tandaan: Kung gusto ninyong maging malusog at masigla ang iyong katawan, kumain ng masustansyang almusal. Napakahalaga po nito.

Source: Willie T. Ong (Kumain ng Almusal: Para Tumalino at Lumakas)
https://www.facebook.com/DocWillieOngOfficial/photos/a.168978689963317.1073741829.168959476631905/182059728655213/?type=1

 
Leave a comment

Posted by on June 16, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: