RSS

People’s Action News (07/14/2014)

21 Jul

PAC Pebrero 3 2014

Ang Provincial Legal Office (PLO) ay sangay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na responsible sa interes at kapakanan ng mga mamamayan ng  Cagayan at sa mga bayang sakop nito.

Kabilang sa kanilang mga tungkulin ay ang pagbibigay ng mga legal na opinyon, payo at rekomendasyon na siyang makakatulong sa matiwasay na pamamalakad ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga bayang nasasakupan nito. Ang PLO rin ang siyang kumakatawan sa Pamahalaang Panlalawigan sa mga civil actions o cases at special proceedings na hinaharap ng nasabing opisina. Tungkulin din nito ang paggawa ng mga kontrata at ibang instrumento na kabilang ang Pamahalaang Panlalawigan at ang pagbibigay ng rekomendasyon sa mga kontratang papasukan ng nasabing opisina. Kasama rin dito ang pag-aaral at pagbibigay ng legal na payo sa mga ordinansa at Executive Orders ng mga opisyales ng prubinsya.

Tungkulin din ng PLO ang mamagitan at ituwid ang anumang gawain na maaaring makasira sa seguridad at kapayapaan ng prubinsya. Pinapanatili ng PLO ang pagkakaroon ng pantay pantay na karapatang pantao at ang pagsisiguro na walang napagkakaitan sa tamang proseso ng batas. Kasama dito ang pagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga mahihirap na hindi kayang magbayad ng regular na lawyer’s fee.

“Sa katunayan humigit kumulang na 50 kaso na ang naipanalo ng PLO. Kabilang dito ang mga kasong tulad ng mga problema sa  real property o lupa, pagkolekta ng kaukulang buwis, at iba pa.” pahayag ni Atty. Romeo Guillermo, tagapangasiwa ng PLO. Ayon pa kay Atty. Guillermo, kasalukuyan nilang pinagtitibay at pinagtutuunan ng pansin ang malawakang pangongolekta ng buwis at iba pang mga bayarin.

Nagbibigay din ng legal na serbisyo ang PLO sa mga kapulisan. Ang legal aide na ito ay para sa mga opisyales ng kapulisan na may rankong PO1 hanggang SPO4 at ang kanilang kasong kinasasangkutan ay may koneksiyon sa paggampan ng kanilang responsibilidad at tungkulin bilang mga pulis.

Isa ring proyekto ng PLO ay ang Barangay Legal Awareness Program na siyang nagbibigay impormasyon sa mga opisyales at mamamayan ng barangay patungkol sa kanilang mga karapatan. Layunin din ng programa ang pagbibigay oryentasyon sa mga opisyales at mamamayan ng barangay patungkol sa legal procedures ng civil at administrative cases upang maging mulat sila sa mga batas at karapatang pantao.

PNC CAGAYAN-SA ORAS NG KALAMIDAD

Ngayong Hulyo ay ipinagdiriwang ang buwan ng Nutrisyon kung kaya ang Provincial Nutrition Committee (PNC)  ay nagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad. Ang nasabing pagdiriwang ay may temang, “Kalamidad Paghandaan:Gutom at Malnutrisyon Agapan.”

Ayon kay Dr. Carlos D. Cortina III, Provincial Nutrition Action Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, layunin ng PNC Cagayan ang makapagbigay ng wastong impormasyon tungkol sa nutrisyon at kalusugan ng bawat mamamayang Cagayano. Layunin din ng selebrasyong ito ang mabigyang pansin ang mga isyu  tungkol sa nutrisyon, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Dagdag pa rito ang gawing handa ang bawat Cagayano sa oras ng kalamidad at huwag ipagsawalang bahala ang pagkakaroon ng wasto at tamang pagkain sa hapag-kainan. Dapat panatilihing nakukuha ang tama at sapat na sustansiya sa lahat ng ihahandang pagkain sa kabila ng sitwasyong hinaharap.

At upang makamit ang hangaring ito, ang mga nakalinyang aktibidad ay ang pagsasagawa ng pagsasanay tungkol sa Lactation Management (LM), pagbibigay ng pagsasanay ng Basic Course for Barangay Nutrition Scholar (BNS) at pagsasanay sa Breast Feeding Group-Peer Counseling sa mga health workers at mga kababaihang nagpapasuso.

Magsasagawa rin ng isang forum patungkol sa Non-Communicable Diseases (NCD)  o mga hindi nakakahawang sakit o karamdaman na dadaluhan ng mga empleyado  ng Pamahalaang Panlalawigan at  isang summit na pinamagatang Nutritional Guidelines for Filipinos (NGF) na siya namang dadaluhan ng mga Barangay Nutrition Scholar ng Cagayan.

Inimbitahan din sa isang television program na Tipon-Tipan na isinasagawa ng Philippine Information Agency (PIA) ang mga myembro ng PNC Cagayan.

Pinagtuunan ng pansin ng naturang aktibidad ang pagkakaroon ng balanse at healthy lifestyle upang sa ganun ay maiwasan ang pagkakaroon ng mga karamdamang hindi nakakahawa o NCDs tulad ng cardiovascular disease o sakit sa puso, diabetes, pagtaas ng presyon ng dugo at cancer.

Ayon kay Dorothy M. Gabona, Healthy Lifestyle Coordinator, magkakaroon pa ng mga susunod na aktibidad patungkol sa paksang ito, upang mabigyan ng tamang impormasyon para sa malusog na pangangatawan ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.

PAKIKIPAG-UGNAYAN SA PAGBIBIGAY NG MALAWAKANG
PAGBABAKUNA

Noong nakaraang taon, ang kaso ng tigdas ay nagsimulang kumalat sa iba’t ibang bayan at lalawigan dito sa lambak ng Cagayan. Naging dahilan ito upang magkaroon ng significant outbreak.

Kung kaya, ang Department of Health (DOH), sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Health Office (PHO) ay magsasagawa ng national Measles, Rubella at Oral Polio vaccine Mass Immunization (MR OPV MI) sa mga bata na bagong panganak hanggang limampu’t siyam (59)  na buwang gulang.

Bilang hudyat ng pag-uumpisa  at sa  pagsasakatuparan ng programang ito, nabigyan na ng oryentasyon ang grupo o task force na mangangasiwa sa  naturang hakbangin sa pamumuno ng mga sumusunod: Barangay Health Workers (BHW), Barangay Nutrition Scholar (BNS), Municipal Health Officer (MHO), Public Health  isang (1) supervisor, isang (1) vaccinator at isang (1) recorder. Sa kabuuan magkakaroon ng animnapung (60) team sa buong lambak ng Cagayan.

Ang mga munisipalidad o syudad ay inaatasang alamin ang mga barangay, sitio o purok na pinangangambahang may mataas na kaso ng mga nabanggit na suliraning pangkalusugan para sa Rapid Coverage Assessment (RCA) na siyang bahagi ng paghahanda sa naturang aktibidad.

Layunin ng aktibidad na ito na pigilan ang pagkalat ng tigdas (measles) at rubella sa Pilipinas, protektahan ang populasyon sa anumang masamang resulta na maidudulot ng wild polio virus at maiugnay ang mass immunization sa routine immunization sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga grupo ng komunidad na hindi naisama sa nabigyan ng routine immunization gamit ang Reaching Every Purok Strategy.
Uumpisahan ang naturang aktibidad sa darating na buong buwan ng Setyembre 2014. Inaasahan na sa datos na nakalap ng mga naturang ahensya, mabibigyan nila ng tama at wastong  bakuna ang lahat ng mga bata sa bawat purok, sitio o barangay.

GO 4 Health

1.    GO drug-free
•    sa droga, wala kang mapapala.
•    tuwid na pamumuhay, wastong pagkain at
exercise.
•    laging NO sa droga! Go drug-free!

2.    GO relax
Para labanan ang stress, dapat may oras para:
•    magpahinga
•    matulog nang wasto
•    mag-exercise
•    mag-relax
At laging tandaan:
Think positive! Lahat ng problema ay kayang
harapin kapag may ngiti sa labi. Go relax!

3.    GO slow sa tagay
Hinay sa tagay, enjoy parin ang buhay.
•    Lahat ng sobra ay hindi maganda. Kaya slow
down sa pag-inom ng alak. Maging alisto:
kung dati rati’y “bottoms up,” Ugaliin natin ang,
“I had enough.” Go slow sa tagay! Go slow sa
tagay!

4.    GO sigla
STRETCH your body, STRETCH your life!
•    Mag jogging, stretching, exercise o gumawa ng
iba pang mga physical activities upang katawan
ay sumigla!
•    Sa 30 minuto lang bawat araw, kya mong maging
malakas at healthy. Kaya simulan mo na! Go
Sigla!

5.     GO smoke-free
No to yosi para ‘di magsisi.
•    ang usok ng sigarilyo ay may 4,000 chemicals
na maaring makamatay.  Ito’y maaring  pagmulan
ng malulubhang sakit tulad ng cancer,
kumplikasyon sa diabetes at sakit sa baga.

6.    GO lusog
•    Pangalagaan ang kalusugan para sa kinabukasan.
•    Maiiwasan ang mga malalang sakit. Alagaan ang
sarili at panatilihing malusog ang katawan.
•    Hindi lang sa pang araw-araw na Gawain, maging
malusog para sa magandang bukas! Go lusog!

7.     GO sustansya
•    Ang tamang sustansya ay susi sa masiglang
pamilya.
•    Ugaliin ang pagkain na ayon sa “Pinggang Pinoy
para sa malakas na pangangatawan at tamang
timbang.”

Source: http://www.go4health.ph

 
Leave a comment

Posted by on July 21, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: