RSS

People’s Action News (08/04/2014)

11 Aug

PA Aug 4Noong  Agosto 4, 2014, ginanap ang 2nd Provincial Health Summit sa Crown Pavilion, Tuguegarao City, Cagayan, kung saan ang lahat ng mga Chief of Hospital o kanilang representante ng 14 District Hospital sa prubinsya ng Cagayan ay dumalo. Kasama rin sa summit ang mga Municipal Health Officers (MHO) ng iba’t ibang bayan at ilang municipal mayors na sina Mayor Asela Sacramed ng Sanchez Mira, Mayor Esterlina Aguinaldo-Ramos ng Sta. Praxedes, Mayor Leonardo Pattung ng Baggao at Mayor Marjorie Salazar ng Lasam.

Dumalo rin sila BM Mila Catabay-Lauigan, BM Christian Guzman, BM Vincent Pagurayan, BM Winocco Abraham, BM Olive Pascual, Provicial Administrator Edna Junio, Provincial Budget Officer Edna Lingan, Provincial Treasurer Emilia Iringan, Dr. Miriam Tabbian ng Department of Health   Center for Health Development Cagayan Valley (DOH CHD-CV), Mr. Oscar Abaddu ng Philippine Health Insurance Company (Philhealth), Gobernador Alvaro T. Antonio at Bise-Gobernador Leonides N. Fausto.

Layunin ng Summit na ipabatid ng mga Chief of Hospital kung ano ang kanilang mga natapos at naipatupad na programa hinggil sa Health Care Delivery o pagbibigay kahalagahan sa kalusugan ng mga Cagayano at kung naipatupad ang mga mandatong pangkalusugan ng prubinsya.

Sa mensahe ni Junio, nabanggit niya na kailangan malaman kung ano ang sitwasyon o kondisyon ng prubinsya pagdating sa kalusugan. Sinabi rin niya na kailangan din nating pakinggan at linangin ang ating tungkulin at responsibilidad  upang lalong mapabuti ang pagbibigay  ng tamang kalusugan sa lahat ng Pilipino.

Binati naman ni Bise-Gob. Fausto ang lahat ng mga nagsidalo sa naturang summit at ang mga tao na nag-organisa sa aktibidad. Sinabi rin niya na bigyang oportunidad ang mga naisakatuparang programang pangkalusugan at pagandahin ang sistema upang  mabigyan  ng mas magandang kalidad ng serbisyong pangkalusugan ang mga Cagayano.

Sa kanyang pambungad na mensahe, nabanggit ni Gob. Antonio na dalawang taon na ang nakalipas mula nang naganap ang unang summit at tinanong niya kung saan na nakarating ang mga namahahala sa pagpapatupad ng pangkalahatang pangkalusugan.  Natanong din nya ang magandang nagawa para matugunan o matupad ang mandato patungkol sa Health Care Delivery System, ano pa ang gagawin upang mapalawak ang mga pangangailangan sa pagbibigay ng magandang health care delivery system at kung saan napunta ang malaking pondo pagdating sa usaping pangkalusugan,.Kinakailangan din na mailahad lahat ng mga natapos na at iba pang mga gagawin para mabigay ang tama at wastong kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa mamayan ng Cagayan. Dagdag pa nya na handang gumastos ang  pamahalaan sa usaping pangkalusugan at magbigay ng insentibo sa  mga health care workers upang magampanan at lalo pa nilang mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo. Pagagandahin ang imprastraktura ng mga ospital at dadagdagan ang mga kulang na gamit pangmedikal. Higit sa lahat, nangako si Gob. Antonio na lahat ng district hospital sa prubinsya ay magpapatuloy ang operasyon at walang magsasara o magmemerge. Kailangang bigyang prayoridad kung saan gagamitin ang pera o pondo ng prubinsya ng Cagayan at ito ay sa usaping pangkalusugan. Maghahanap siya ng pondo para matugunan ang mga pangangailangan ng ospital lalo na sa pagdagdag ng empleyado. Kung kinakailangang gamitin ang savings o dividend galing sa point of care ng PhilHealth ay gagawin niya, matugunan lamang ang pangangailangan ng mga ospital at kanilang mga empleyado. Mamadaliin ang pagbibigay ng mga kakailanganing gamot sa mga ospital  at ito ay hindi na dadaan  sa bidding, bagkus, tutukuyin na lang nila ang supplier at doon na sila kukuha. Lahat ng  walong (8) ospital na nasa kategorya ng Infirmary ay mabibigyan ng ambulansya na magdadala ng mga pasyente sa alinmang referring hospital. Maglalaan din ng pondo para sa krudo ng ambulansya. Binigyang diin ng Gobernador na pasyente lamang ang gagamit ng ambulansya. Hindi ito maaaring gamitin sa anumang lakad katulad ng pagkuha ng mga gamot sa General Supply Office (GSO), paglalakad ng mga papeles o pagpunta sa grocery o pamamalengke. Inatasan din ni Gob. Antonio si Dr. Marcos Mallillin, Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan, na kumalap o maghanap ng pondo para madagdagan ang budget sa pagkain ng mga pasyente. Sinabi rin niya na dapat hindi lamang mga sahod na natatangap ang pagtuunan ng pansin ng bawat empleyado, kung hindi ang moral obligation na gawin ang trabaho at makatulong sa kapwa. Ayon din sa kanya, magkakaroon ng deliberasyon ang mga performing hospitals at sila ay mabibigyan ng mas malaking pondo bilang insentibo para lalong mapaganda ang kanilang trabaho. Samantala, sa mga hindi nagpeperform, pasensyahan na kung mabawasan ang kanilang pondo. Umapela si BM Olive na sana naman ay huwag bawasan ang pondo ng non-performing hospitals, bagkus, bigyan sila ng tiyansa  na pagandahin at paunlarain ang kanilang sistema ng pagbibigay serbisyo. Sa pagtatapos ng mensahe ng Gobernador, nais niyang magkaroon ulit ng Health Summit makaraan ang anim na buwan upang malaman ang resulta ng mga napag-usapan at kung nabigyan ng solusyon ang mga nabanggit na suliranin. Pinasalamatan din niya ang mga ahensyang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan tulad ng DOH at PhilHealth sa patuloy nilang pakikipagtulungan at pagbibigay suporta sa usaping pangkalusugan.

PONDONG PANGKABUHAYAN, IGAGAWAD SA FORMER REBELS

Animnapu’t limang libong (P65,000) pisong pondo para sa  livelihood at emergency assistance ang igagawad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG) Provincial Office  at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa siyam (9) na Former Rebels (FRs) o Rebel Returnees  ng lalawigan ng Cagayan na sumuko sa pamahalaan noong taong 2011 hanggang sa kasalukuyan.

Ito ang naging pahayag noong July 25, 2014 ni Engr. Corazon Toribio, DILG Provincial Director, sa ginanap na  joint committee meeting ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP) at Joint AFP and PNP Intelligence Committee  (JAPIC) sa BAC Conference Hall, Provincial Capitol.

Ang CLIP, sa pangunguna ng PSWDO ang nagsisilbing kinatawan ng OPAPP at siyang responsable sa validation upang siguruhin kung ang surenderees ay authentic o hindi. Sa kasalukuyan, sila ay may data base at doon makikita ang talaan ng tunay na FRs. Ang JAPIC naman ang siyang aalalay o magbibigay ng proteksiyon at kasiguruhan sa FRs.
Dagdag ni Toribio, “ang paggawad ng livelihood assistance na P50,000 at emergency assistance na P15,000 ng OPAPP para sa FRs ay may layuning iangat ang kanilang kasalukuyang antas ng kabuhayan matapos silang sumuko sa gobyerno.  Sila ay dapat nating bigyang-pansin dahil sila ay magsisilbing modelo ng epektibong pagbabagong-buhay. Sana pagyamanin nila ang tulong-pinansyal mula sa pamahalaan,” dagdag pa ni Toribio.
Nagbigay-payo rin sa FRs si Gobernador Alvaro Antonio sa kalagitnaan ng pagpupulong. Banggit ng Gobernador, ang hindi pagkakaunawaan ay isang balakid sa pag-unlad ng prubinsiya. “Ang ginawa ninyong pagbabalik–loob sa pamahalaan ay isang magandang hakbang tungo sa minimithing katahimikan. Ang mga katulad ninyo ay hindi na nililibak kundi hinahangaan dahil sa pagkakaroon ng lakas ng loob na bumalik sa inyong pamilya.  Sana ang tulong-pinansiyal na inyong matatanggap ay magpapabago at magpapaunlad sa inyong kalagayan. Gamitin ito sa tama at umasa kayo ng iba pang tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan,” pahayag pa ni Gob. Antonio.
Ang tulong-pinansiyal na nabanggit ay agarang ipapamahagi sa 9 na FRs matapos nilang kumpletuhin ang ilang requirements. Samantala, ang karamihan sa kanila ay susunod na pamamahagian sa susunod na mga buwan.

Naitalaga naman si Helen Donato, Acting Provicial Social Welfare and Development Officer bilang Vice-Chair ng CLIP. Kasapi dito ang AFP, PNP, DILG, at Civil Society Organization.

PAANO MAKAIWAS SA SAKIT NGAYONG TAG-ULAN AT TAG-BAHA

Tag-ulan na naman, at sa panahong ito, bukod sa pagdagsa ng ulan ay nariyan din ang posibilidad na tayo’y madatnan ng mga iba’t ibang sakit na maaari namang maiwasan. Ang mga halimbawa nito ay ang cholera, na siyang naulat na dumarami ang kaso sa Pilipinas, ang leptospirosis na kaya nagdudulot ng sakit ay dahil sa tubig baha, at iba pang mga karamdaman. Ating alamin ang ilang mga hakbang upang makaiwas sa sakit:

Siguraduhing ligtas ang pinagkukuhanan ng tubig. Ang ligtas na tubig ay napakahalaga para sa kalusugan. Tuwing tag-ulan, maaaring maapektuhan ang ating mga pinag-iigiban ng tubig, kaya’t dapat maging sigurista. Ang tubig na hindi tiyak ay dapat huwag ding gamitin na panghugas ng gulay at prutas na kakainin

Pakuluan ang tubig na hindi sigurado. Kung hindi nakakatiyak sa kalidad ng inyong tubig, pakuluan ang tubig (dapat kulong-kulo talaga) ng di kukulang na isang minuto. Bago magpakulo ng tubig, maaari ring salain ang tubig at hayaan itong nasa lalagyan upang mahulog sa ibaba ang mga maliliit na sedimento.

Panatilihing wasto ang pagtapon ng dumi. Ang dumi ng tao ay isang pinagmumulan ng mga mikrobyong nagdadala ng cholera at iba pang sakit. Maaaring hindi ito problema para sa iba, ngunit sa panahon ng tag-ulan at tagbaha ay ito’y nagiging isang problema para sa marami. Dapat malayo sa mga pinagkukunan ng tubig gaya ng mga ilog, balon at iba pa.

Iwasang magbabad sa tubig baha. Ang sakit na leptospirosis ay dala ng mga mikrobyong galing sa mga daga at iba pang hayop, na maaaring dalhin ng tubig baha at makapasok sa balat ng tao. Kung mayroon kayong mga anak, pagbawalan silang maligo sa tubig baha.

Huwag hayaang maipon sa mga lalagyan ang tubig na hindi gumagalaw o stagnant water. Ang mga tubig na naipon sa mga lalagyan ay maaaring maging lugar kung saan lumaganap ang mga lamok na siyang nagdadadala ng dengue.

Magpatingin kaagad sa doktor kung may mga sintomas tulad ng di-mapigilang at/o malatubig na pagtatae, mataas na lagnat, pagsakit ng tiyan at ng katawan, upang maagapan ang anumang sakit na nakuha.

 
Leave a comment

Posted by on August 11, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: