RSS

People’s Action News (08/18/2014)

28 Aug

PA Aug 18

Patuloy ang pagbibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng ayudang pinansyal para sa mga proyektong imprastraktura na tunay na kailangan ng mga Cagayano.

Noong Agosto 13, 2014 sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan, nagkaloob ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gobernador Alvaro T. Antonio at Bise-Gobernador Leonides N. Fausto ng ayudang pinansyal sa 27 barangay sa bayan ng Camalañiugan at isang milyong tulong pinansyal para sa proyekto ng nasabing bayan. Ang nasabing tulong pinansyal ay tugon sa mga hiling ng Camalañiugenos na proyektong imprastraktura sa kanilang barangay. Ito rin ay pagbibigay halaga sa angking galing at kakayahan ng mga Camalañiugenos sa kanilang pagtukoy at sama-samang pagpapatupad ng mga proyekto at programang tunay na makakatulong sa kanilang pag-unlad.

Bukod sa pagbibigay ng ayuda, nagsagawa rin ng open forum si Gob. Antonio upang kanyang mapakinggan ang iba pang pangangailangan at hinaing ng mga Camalañiugenos. Ito ay nagpapatunay na ang paggogobyerno ng kasalukuyang administrasyon ay ang gobyernong nakikinig, nagmamalasakit, nakakaintindi, gumagabay at binibigyang halaga ang pakikilahok ng bawat Cagayano.

Kabilang sa mga hinaing ng mga Camalañiugenos ay ang pagkakaroon ng water system, pagsasaayos ng pagtibag ng mga lupa sa tabi ng ilog Cagayan at iba pa. Malugod na tinanggap nina  Gob. Antonio at Bise-Gob. Fausto ang mga malasakit at kanyang nabanggit ang mga programa at proyekto at mga hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan upang matugunan ang kanilang mga hiling. Kabilang din ang pag-apela nila Gob. Antonio sa mga Camalañiugenos sa kanilang pakikipagtulungan.

Nagpapasalamat sila Mayor Isidro T. Cabadu at Liga ng mga Barangay President Jamuel O. Rosario sa ayudang ibinigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga Camalañiugenos. Ipinangako nila ang maayos at tapat na pagpapatupad sa mga proyektong imprastrakturang kanilang natanggap.

Ang mga sumusunod ang naibigay na mga proyekto:

table

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

KAUNA-UNAHANG PUBLIC AUCTION SALE SA CAGAYAN, ISINAGAWA

Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) ang kauna-unahang public auction sale sa Capitol Gymnasium, Capitol Compound, Tuguegarao City, Cagayan.

Ang mga isinubasta ng PTO ay mga real properties o ari-ariang hindi nabayaran at atrasado sa mga kaukulang buwis na naitala base sa Notice of Sale of Delinquent Real Properties. Ang Notice of Sale of Delinquent Real Properties ay inilagay sa bungad ng Governor’s Office, Provincial Capitol, Tuguegarao City, Municipal halls, mga barangay kung saan naroon ang real property na isinubasta at sa pahayagan na Northern Forum.

Ang mga real properties na isinubasta noong Agosto 19, 2014 ay mula sa bayan ng Abulug, Amulung, Baggao, Buguey, Gattaran, Lasam, Pamplona, Piat, Sta. Ana, Sta. Teresita at Sto. Niño.

Ayon kay Provincial Treasurer Emilia L. Iringan, ang public auction sale ng delinquent real properties ay kauna-unahang isinagawa sa kasaysayan ng Cagayan. “Ito ay isang paraan upang gisingin ang mga delinkwenteng real property owners na magbayad ng kaukulang buwis sa tamang oras,” dagdag pa niya.

Ayon kay Iringan, ang pagsasagawa ng pagsusubasta ng mga delinquent real properties ay alinsunod sa Section 261 at 263 ng Republic Act 7160 o Local Government Code 1991. Ang batas na ito ay ang pagsasagawa ng notices for the sale of tax delinquent properties sa Pilipinas.

Nagbigay naman ang PTO ng Certificate of Sale sa mga nanalong bidder pagkatapos ng public auction sale kung saan irerehistro ng bidder ito sa Register of Deeds.

Subalit sa loob ng isang taon maaaring mabawi ng may-ari ang ari-arian na naisubasta kung mababayaran niya ang kaukulang buwis nito at ang kaukulang interest na 2% kada buwan ay ibabalik sa nanalong bidder.

Kaagapay ng PTO ang Provincial Assesor’s Office (PAO), Provincial Legal Office (PLO) at Register of Deeds (ROD) sa pagsasagawa ng pagsusubasta. Ang mga miyembro naman ng technical working group sa implementasyon ng public auction sale ay ang Municipal Treasurers, Municipal Assessors at ilang empleyado ng PTO, PAO at PLO.

Dumalo sa public auction sale si Board Member Vicente Pagurayan ng 2nd District ng Cagayan, Vice-Mayor Leonel Guzman ng Piat, Municipal Treasurers, Municipal Assessors at ibang residente sa Cagayan. Inobserbahan naman ng ilang empleyado ng PTO ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang naturang aktibidad dahil nagbabalak din ang kanilang ahensiya na magsagawa nito.

Ang mga bayan na hindi nakasali sa Public Auction Sale ay sasailalim sa susunod na posting ng Notice of Sale of Delinquent Real Properties at ilalathala sa susunod na iskedyul ng publikasyon.

ANO ANG MGA SINTOMAS NG LEPTOSPIROSIS?

Ang leptospirosis ay hindi agad ang epekto sa tao; ito’y nagpapamalas ng sintomas matapos lamang ang 4-14 na araw makalipas ang pagkabasa o pagkalublob sa tubig-baha.

Ang mga sintomas ng leptospirosis ay ang mga sumusunod:
SA UMPISA

Parang tinatrangkaso
Lagnat
Panginginig
Pananakit ng katawan (nangangalos)
Panakakit ng kasukasuan
Sakit sa ulo
Pananakit ng tiyan
Pagsusuka
Pagtatae

KUNG MAY KOMPLIKASYON
Paninilaw ng katawan
Mahapdi na pag-ihi
Ihi na kulay-tsaa
Kawalan ng ganang kumain
Binabalisawsaw

Hindi pare-pareho ang sintomas ng leptospirosis; depende ito sa tao. Maraming katulad na sakit ang leptospirosis, gaya ng trangkaso, dengue fever at iba pa, kaya mahalagang masuri ng doktor bago masabi na isang tao ay may leptospirosis.

ANG LEPTOSPIROSIS ay isang impeksyon na dulot ng bacteria mula sa hayop.

Mga sintomas ng leptospirosis:
Gaya ng dengue, maaaring makaramdam ng lagnat, panginginig, sakit sa katawan at mga kasukasuan at sakit ng ulo.

Maaari ring maapektuhan ang atay (liver) na siyang nagdudulot ng paninilaw sa katawan, maging ang bato (kidneys) na siya namang nagdudulot ng kulay tsaa sa ihi.

Maaari ring makaranas ng sakit sa tiyan, pagsusuka at pagtatae.

May mga iba’t ibang laboratory test para malaman kung mayroon kang leptospirosis. Malamang na leptospirosis ang sakit kapag napansin na ang mga sintomas na nabanggit lalo na kung ang pasyente ay nakapaglakad sa tubig-baha.

Ang Aetiotropic drugs ay antibiotics na gamot sa leptospirosis, ngunit dapat doktor lamang ang siyang magrereseta nito. Hindi pwedeng bumili lamang ng gamot sa botika ng walang reseta.

Ang doktor ang magpapasya kung gaano karami at gaano kadalas iinumin ang gamot. Kung kulangin, baka mabulabog lamang ang mga mikrobyo at hindi tuluyang masupil. Kung magkaganito, maaari silang makabawi at hindi na talaban pa ng gamot.

 
Leave a comment

Posted by on August 28, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: