RSS

People’s Action News (08/25/2014)

02 Sep

PA Aug 25Sa pagbibigay halaga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa kapakanan at seguridad ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa ating prubinsya, nagsanib puwersa sa pamamagitan ng pagpirma o signing ng Memorandum of Agreement ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Local Government Units (LGUs). Ito ay ginanap noong Agosto 18, 2014 sa Governor’s Pavilion, Capitol Hills, Tuguegarao City, Cagayan.

Layunin ng aktibidad na protektahan at mapalawak ang serbisyong nararapat sa mga Cagayanong nagtatrabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng concerned national government agencies at LGUs. Ito rin ay magsisilbing gabay at sandigan ng mga Cagayano laban sa mga illegal recruiters. Ito rin ay pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan sa kahalagahan ng mga Cagayanong OFW sa paglago ng ekonomiya ng ating prubinsya sa pamamagitan ng kanilang remittances, nararapat lamang na bigyan sila ng magandang serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan.

Dumalo sa nasabing aktibidad si POEA Administrator Hans Leo J. Cacdac, Gobernador Alvaro T. Antonio, tagapangasiwa at empleyado mula sa OWWA, TESDA, DOLE, municipal mayors ng iba’t ibang bayan sa prubinsya ng Cagayan.

Ayon kay POEA Administrator Cacdac, ang convergence na ito ay magsisilbing sandigan sa higit pang pag-angat ng mga OFW mula sa ating prubinsya at magiging kaagapay sa pagkilala sa kanilang mga karapatan. Nanawagan din siya sa lahat ng kasamang ahensiya na magtulungan at gumawa ng makabuluhang programa para sa OFWs. Dagdag pa niya ang pagbibigay paalala ng mga dapat gawin at seguridad sa mga Cagayano upang hindi mabiktima ng illegal recruiters.

Inilahad ni Gob. Antonio na sa ngayon ay may 83,000 na OFW mula sa prubinsiya ng Cagayan. “Malaki ang kontribusyon nila sa ekonomiya hindi lamang  ng prubinsya kundi sa buong bansa na rin. Sa pamamagitan ng convergence na ito at sa tulong ng iba’t ibang punong-bayan ay unti-unti natin silang matutulungan sa kanilang mga suliranin, matutugunan din natin ang kanilang pangangailangan at mula sa ilang programa para sa kanila ay maibabalik natin ang kanilang  naiaambag sa ating ekonomiya,” dagdag pa ng Gobernador.

Nagbigay din ng oryentasyon ang mga partner agencies patungkol sa mga karapatan at benepisyo na para sa mga OFW. Inilahad din ang mga programa at serbisyong tunay na makakatulong sa mga Cagayanong OFW.

UNANG MITING NG HRRAC, GINANAP

Nagpulong sa kauna-unahang pagkakataon ang mga owners  at managers ng Hotel, Resort and Restaurant Association of Cagayan (HRRAC) sa Function Hall ng Paseo Reale Mall upang palakasin ang turismo sa lalawigan at pagtibayin ang organisasyon para sa ikakaunlad ng Cagayan.

Sa kanyang pambungad na mensahe, ipinahayag ni Jenifer Junio-Baquiran, Officer-in-Charge ng Tourism at Economic Enterprise  Office Coordinator na malaki ang potensyal ng Cagayan sa larangan ng turismo at kinakailangan palakasin ito upang lalong makatulong sa mga mamamayan. Binigyang diin niya na “It’s More Fun in Cagayan,” dahil sa mga magagandang tanawin at pasyalan na maaaring puntahan ng mga turista. Ipinahayag din ni Baquiran na buo ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagpapalakas ng turismo sa Cagayan at tumulong sa mga private tourism establishments.

Samantala, dumalo din sa naturang pagpupulong ang ilang mga empleyado ng Department of Tourism Regional Office na sina Mr. Tomas Santos at Imelda Garduque kapwa mga Tourism Operations Officer.

Tinalakay ni Santos ang kahalagahan ng turismo gayundin ang pagpapayabong nito dahil malaki ang pakinabang nito sa tao. Samantala, tinalakay ni Garduque ang mga requirements at qualifications for accreditation ng mga hotel, resort at restaurant sa lalawigan.

Ginanap din sa nasabing pagpupulong ang eleksyon ng mga opisyal ng HRRAC. Ang mga bagong halal ay sina:

Chairperson             : Emie Antiporda
VP for Marketing      : Josie Taylor
VP for Research       : Joan Taguba
VP for Culture           : Angel Rabago
Secretary                  : Emie Garcia
Treasurer                  : Teresa Cabalza
Auditor                       : Dialita Mandac
PRO                          : Romel Saturnino
:Jernalyn Cabildo

Board of Directors:
1st District:

Eden B. Allin
Luvie Querubin

2nd District:

Mildred Aguinaldo

3rd District:

Floribel Tabaco
Narciso Marion
Edwin Gannaban

PAGLALAGAY NG AUTOMATIC RAIN GUAGE AT WATER-LEVEL MONITORING SENSOR, ISINAGAWA

Upang mapaigting ang kahandaan gayundin ang pagpapalakas sa adbokasiya ng lalawigan sa panahon ng kalamidad at sakuna, pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan kaakibat ang Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction and Management Council (PCCDRRMC) ang paglalagay ng mga automatic rain guage at automatic water-level monitoring sensor sa iba’t ibang mga bayan sa prubinsya.

Ang automatic rain guage o ARG ay isang instrumento upang sukatin ang dami ng buhos ulan o rain fall habang ang automatic water-level monitoring sensor o AWMS ay isang instrumentong sumusukat sa lebel at laki ng tubig.

Ang mga instrumentong nabanggit ay otomatikong nagbibigay ng impormasyon kada labinlimang minuto sa server ng Department of Science and Technology – ASTI Head Office sa Manila na malaki ang maitutulong sa pagmomonitor ng posibleng pagtaas ng tubig at pagbaha.

Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa tulong ng United Nations World Food Program o UNWFP at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na nagkakahalaga ng Php1,106,000.00 na kabilang sa Phase II project ng UNWFP para sa Disaster Preparedness and Response Program.

Ayon kay Bonifacio Quarteros, pinuno ng PCCDRRMC malaki ang maitutulong ng mga kinabit na mga instrumentong ito sa mga Rescue Teams ng lalawigan gayundin sa mga local government units upang mapaghandaan ang anumang pagbaha o pag-apaw ng Cagayan River na kadalasang nagbibigay ng malaking pinsala sa pamumuhay ng mga Cagayano lalo na sa panahaon ng tagulan at malalakas na bagyo.

Nakatutok din si Gobernador Alvaro T. Antonio sa proyektong ito dahil sa kanyang pagpapatibay at pagpapatupad ng “zero-casualty.” Ipinahayag din ng gobernador na dapat handa ang bawat isa at ipakita ang pagkakaisa sa mga hangaring ito upang maiwasan ang mas malaking pinsala na maaaring maidulot ng mga kalamidad at sakuna.

Kabilang sa mga nakabitan ng mga nasabing instrumento ay ang Piat, Gattaran, Baggao at Ballesteros. Mismong mga technicians ng DOST-ASTI ang nagkabit sa mga instrumentong nabanggit.

ANO ANG EBOLA?

Ang Ebola virus ang sanhi ng nakakahawa at nakakamatay na sakit sa tao at mga hayop tulad ng gorilla: ang Ebola Virus Disease o Ebola Hemorrhagic Fever. Apektado sa kasalukuyan ang mga bansa sa West Africa tulad ng Guinea, Liberia at Sierra Leone.

Paano ito nakukuha?
Sa paghipo o paghawak ng maysakit na positibo sa Ebola Dugo o iba pang “body fluids” mula sa maysakit tulad ng pinagsukahan, laway, dumi, ihi, semilya. Mga kontaminadong gamit ng maysakit tulad ng karayom, sapin ng kama at kumot.
Ito ay hindi nakukuha sa hangin, sa pag-ubo o pagbahin.

Incubation Period:

Ang sinumang mahawa ay magkakaroon ng sintomas pagkalipas nang 2-21 araw. Ang mga sintomas lamang ang pwedeng makapanghawa sa iba.

Paano ito ginagamot?
Wala pang gamot o bakuna laban sa Ebola

Mas mabuting dalhin sa ospital agad ang maysakit kung naghihinala na ito ay may Ebola

Malaking tulong ang oral at intravenous fluids maging ang pagsalin ng dugo

Kailangan maibukod ang may sakit upang hindi ito makahawa

Sinu-sino ang maaaring higit na maapektuhan nito?

Ang mga naninirahan o ang mga nagsisilakbay sa mga apektadong bansa

Ang mga kasambahay o pamilyang maysakit

Ang mga nag-aalaga ng may sakit sa bahay o ospital kasama na ang mga doktor, nars, laboratory workers at iba pa

Kailangan ninyong ipagbigay alam sa mga airport quarantine officers gamit ang health check list kung kayo ay galing sa paglalakbay sa mga apektadong lugar lalo na kung kayo ay mayroong lagnat o iba pang sintomas.

Anu-ano ang mga sintomas ng Ebola?

Lagnat, sakit ng ulo, labis na panghihina, masakit na kalamnan, kasu-kasuan at lalamunan

Pagduwal, pagsusuka at pagtatae

Pantal sa katawan, pasa o bugbog

Pamumula ng mata

Pagdurugo sa ilong, bibig, mata, tainga, dugo sa suka o dumi, at sa lugar ng pinagtusukan ng karayom.

Pagkasira ng bato at atay

Paano ito maiiwasan?

Wala pang bakuna kontra sa Ebola

Huwag hihipo o hahawak sa pasyente ng hindi gumagamit ng gloves at iba pang uri ng rekomendadong pananggalang

Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang malinis na tubig at sabon

Iwasang hipuin ang anumang parte ng mukha gamit ang marumi o di pa nahugasang mga kamay at daliri

Ano ang ginagawa ng DOH para maiwasan ang Ebola?

Mahigpit na pagbabantay sa mga pasaherong dumating sa paliparan at mga daungan ng barko

Pagsiguro na lahat ng pasahero mula sa ibang bansa ay magbibigay ng health information checklist

Kahandaan ng mga ospital sa pangangalaga sa pasyente sakaling magkaroon ng kaso

Matibay na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para maiwasan ang Ebola

Malawakang pagpapalaganap ng tamang impormasyon upang maiwasan ang sakit na ito

Pagsasanay sa mga healthcare workers kung paano pangalagaan ang pasyente at kanilang sarili laban sa sakit na ito

Source: http://www.doh.gov.ph

 
Leave a comment

Posted by on September 2, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: