RSS

People’s Action News (09/01/2014)

18 Sep

PA Sep 1Pinili na ang mga atletang Cagayano na magiging kabilang sa Cagayan Athletes Training Pool na sasabak sa puspusang pag-eensayo bilang magiging mga opisyal na kinatawan ng lalawigan sa mga malalaking sports competition sa bansa.

Sa tulong ng bagong inorganisang Cagayan Sports Association, ginanap ang try-out noong Agosto 29 – 31, 2014 sa Cagayan Sports Complex. Ito ay sinuportahan ng mga coaches at trainors sa buong lalawigan ng Cagayan.

Dinaluhan mismo ni Gobernador Alvaro T. Antonio ang tatlong araw na try-out upang personal na masaksihan ang mga batang nagpapakitang gilas sa paglalaro mula sa volleyball, basketball, badminton, taekwondo at baseball. Nilahukan ang nasabing sports events ng mga mag- aaral na atleta mula sa elementarya at sekondarya  na may edad 18 pababa at kolehiyo naman para sa Open age category.

Ayon kay Gob. Antonio, kikilalanin ang Cagayan bilang isang sports powerhouse at sa ganitong mga aktibibad titibay ang pundasyon ng lalawigan sa larangan ng sports at turismo.

Kabilang din ang pagpapaunlad ng mga pasilidad tulad ng Cagayan Sports Complex track oval na kasalukuyang ginagamit na ng mga Cagayano. Nariyan pa ang kasalukuyang pagpapatayo ng Cagayan Sports Complex Gymnasium upang paghandaan ang mga malalaking sports activity at events sa lalawigan. Dagdag pa ng Gobernador sa pamamagitan ng mga sports events at activity na ilulunsad sa Cagayan lalakas ang turismo sa prubinsya, at aangat ang ekonomiya ng ating prubinsya.

Dahil sa programang ito, malaki ang pagkakataon ng Cagayan na mag-uwi ng mga medalya sa malalaking sports competition.Umani ng iba’t ibang papuri at parangal ang lalawigan ng Cagayan sa mga nilahukan nitong sports competition tulad ng Shakeys V-League, Philippine Superliga, PBA D-League at Philippine National Games. Ito rin ay magsisilbing inspirasyon sa mga Cagayano na lalong magpursige at paunlarin ang angking galing, kakayahan at talino upang makamit ang tagumpay.

Ayon sa mga atletang lumahok sa try-out maganda at makabuluhan ang ganitong oportunidad sa mga kabataan na nagnanais na mahasa ang kanilang kakayahan upang maging isang mahusay na atletang Cagayano.

Bukod sa try-out sa volleyball, basketball, baseball at badminton, magkakaroon din ng try-out sa track and field, swimming at iba pang sports events ngayong buwan ng Setyembre.

MALAWAKANG PAGBIBIGAY NG BAKUNA, NAGSIMULA NA

Nasimula na ngayong Setyembre ang  malawakang pagbibigay ng mga bakuna laban sa Measles, Rubella at Polio (MR-OPV). Matatandaang una nang naiulat na magsasagawa ng malawakang pagbabakuna ang Department of Health (DOH) sa pakikipagtulungan sa Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan  sa lahat ng bayan ng prubinsiya ng Cagayan.

Ayon sa nakalap na datos, ang target na mabibigyan ng  bakuna sa buong Cagayan ay 159,372 para sa oral polio vaccine at 132,354 para sa measles. Ang  mabibigyan ng naturang  bakuna ay ang mga edad limampu’t siyam (59) na buwan pababa. Matatandaang  layunin ng programang ito ay ang pigilan ang pagkalat o pagkahawa sa sakit na tigdas (measles) at rubella virus sa Pilipinas. Binigyang proteksyon ang populasyon sa komplikasyon na maaaring idulot ng polio virus at maiugnay ang lahat ng mga bayan, purok o sitio sa pagbibigay ng routine na pagbabakuna.

Upang mabigyan ang lahat ng mga bata ng kaukulang bakuna, nagtalaga ang PHO ng mga grupo na siyang mamamahala sa pagsasaliksik sa bawat purok, sitio o barangay ng bawat bayan na may mga sanggol o bata na hindi pa nababakunahan o maaaring nakaligtaang mabigyan ng kaukulang bakuna. Maglalagay din ng isang permanenteng  lugar sa bawat sitio, purok o barangay na siyang gagamitin sa pagbibigay ng bakuna.

Ang lahat ng team o grupo na nakatalaga sa bawat bayan ay kailangang laging handa upang walang bata na makaligtaan na mabigyan ng  bakuna. Ang lahat ng bata na nabigyan ng bakuna ay malalagyan ng indelible ink sa kanilang kaliwang hinliliit bilang patunay na sila ay nabigyan na ng kaukulang bakuna at siyang gagamitin  sa validation sa  Rapid Assessment Coverage (RCA).

Ang lahat ng binigay na MR vaccine at OPV ay kinakailangang itala sa isang tally sheet at mga reporting forms na ibinigay ng PHO. Ang mga nanay o kamag-anak na nagdala ng mga batang nabakunahan ay kinakailangang pagpayuhan na ang mga naibigay na bakuna ay suplementary lamang at kinakailangang dalhin din sa mga Health Center ang mga batang ito pgkaraan ng isang (1) buwan upang maibigay ang karampatan o regular na bakuna.

IKALAWANG FOOD INNOVATION CENTER NG DOST INILUNSAD SA CSU

 Kasabay ng North Luzon Science at Technology Fair, inilunsad ng Department of Science and Technology Region 2 ang ikalawang Food Innovation Center o FIC sa bansa. Pormal itong binuksan noong September 2, 2014 sa Cagayan Sate University (CSU) Carig Campus, Tuguegarao City.

Target ng DOST na makapagtayo ng pitong FIC sa bansa. Ang itinatag na FIC sa Cagayan ay magsilbing sentro ng pananaliksik at pagpapaunlad sa food technology ng Rehiyon Dos.

Ang inauguration ng bagong Food Innovation Center ay pinangunahan ni DOST Undersecretary for Regional Operations, Dr. Carol Yorobe, Tuguegaro City Vice Mayor, Atty. Englebert Caronan, DOST Regional Director Urdujah A. Tejada at Cagayan State University President, Dr. Romeo Quilang.

Ibinida naman ng DOST-R02 at CSU ang Food Innovation Center sa mga dumalong bisita ang ilan sa mga makabagong kagamitan na naggaling sa Industrial Technology Development Institute (ITDI) ng DOST, na naglalayong suportahan ang mga small at medium enterprise sa bansa.

Ilan sa mga ito ang freeze dryer na nakakapagpahaba ng shelf life ng mga pagkaing gaya ng buko pie, yoghurt at keso. Vacuum Fryer na lumikha ng vacuum fried na pagkain gaya ng potato chips, durian, pinya okra at iba pa. Spray Dryer, kung saan na pupulbos ang mga liquidize form ng prutas o gatas at nagiging milk powder, kape, medical ingredients, ceramis material at iba pa.

Nagkaroon din ng isang Press Conference sa CSU-IT building kung saan nabanggit ni Dr. Quilang na tututukan nila ang packaging ng mga produktong lalabas sa Center upang mas maging kaaya-aya at maengganyo ang mga mamimili. Sinabi din nito na sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan na pinamumunuan ni Gob. Alvaro Antonio ay makapagpapatuloy sila hindi lang sa pagpapaganda ng packaging ng mga produkto pati na rin sa pagtulong na maipamalakad ang Food Innovation Center.

Bibigyang pansin din ng DOST Region 02 ang pagsasanay ng mga manggagawa sa mga bagong kagamitan ng Innovation Center upang mapalawig ang kanilang kaalaman sa paglilinang ng ating mga lokal na produkto.

393 KASO NG DENGUE, NAITALA MULA ENERO-AGOSTO

Ayon sa ulat ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) ng Provincial Health Office (PHO), may maitalang 393 na kaso ng dengue sa Cagayan mula sa buwan ng Enero-Agosto ngayong taon. Tatlo (3) naman ang naitalang namatay mula sa mga kasong ito.

Ang siyudad ng Tuguegarao ay may pinakamaraming kaso na umabot ng 55. Pangalawa naman ang baya ng Alcala na may 33 na kaso. Pangatlo naman ang Aparri na may 31. Ang pang-apat ay ang Camalaniugan na umabot sa 30 na kaso. Labin-walo (18) na kaso naman ang naitala sa Buguey na siyang pang-lima.
Mula naman sa bayan ng Aparri, Camalaniugan at Piat ang mga naitalang kaso ng pagkamatay ng 3 pasyente dahil sa dengue.

Ang mga kaso ng dengue ay halos mula sa edad 11-20 na umabot sa 140 na bilang ng mga pasyente.
Ang iba pang bayan sa prubinsya ay may naitalang kaso ng dengue, maliban sa Sta. Praxedes na dengue-free mula noong nakaraang taon.

Samanatala, pumalo naman sa 3,313 na kaso ang dengue mula Enero-Agosto 2013. Ito ay halos 90 porsyento na mas mataas sa naitala ngayong taon sa parehong mga buwan.
May 4,038 na kaso ng dengue sa buong lalawigan sa buong taon ng 2013. Ang mga buwan ng Hulyo at Agosto ang may pinakamaraming kaso na pumalo sa 1,171 at 1,157. Limang (5) kaso naman ng pagkamatay ng pasyente ang naiulat mula sa mga kasong ito.

Sa ulat din nakita na ang siyudad ng Tuguegarao rin ang may pinakamaraming kaso ng dengue noong 2013 na umabot sa 1,019.

Ayon sa PESU, inaasahang hindi na dadami pa ang magiging bilang ng pasyenteng magkakaroon ng dengue ngayong taon. Ilan sa aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng PHO, ay ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa mga paraan ng pagsugpo sa dengue tulad ng paglilinis sa sariling bakuran at sa buong komunidad. Binigyang diin din ng PHO ang agarang pagpunta sa mga health centers kapag nakitaan ng sintomas ng dengue ang pamilya, tulad ng pagkakaroon ng pabugso-bugsong lagnat ng tatlong araw.

RED TIDE
SAAN NAKUKUHA

Sa mga SHELLFISH (mga tahong, talaba, halaan at iba pang uri nito) na kontaminado ng mga organism ng red tide.

PAANO NAKUKUHA
Sa pamamgitan ng pagkain ng shellfish na kontaminado ng organism ng red tide.

MGA PALATANDAAN
Pamamanhid sa paligid ng bibig at mukha
Pagkahilo
Parang tinutusok na pakiramdam o pamamanhid ng mga kamay at paa
Panghihina ng katawan
Mabilis na pulso
Hirap sa pagsasalita at paglulon
Pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae

Ang dapat gawin kung inaakalang nalason sa red tide DALHIN AGAD ANG PASYENTE SA PINAKAMALAPIT NA OSPITAL

PAG-IWAS SA PAGKALASON SA RED TIDE
Huwag kumain ng shellfish
Hugasang mabuti at alisin ang mga hasang at lamang loob ng isda, pusit, alimango at alimasag
Alisin ang mga ulo ng hipon
Iwasan ang pagkain ng alamang, dilis at iba pang maliliit na isda

Ang mga nasabing sintomas o palatandaan ay mararamdaman sa loob ng 12 oras pagkatapos kumain ng kontaminadong shellfish.

 
Leave a comment

Posted by on September 18, 2014 in NEWS

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: